Halos mapuno ang Aliw Theater ng Callalily fans noong November 26, Sabado, sa kauna-unahang big concert ni Kean Cipriano na may titulong One Stage, One Night. BBS (Big Band Syndrome) featuring Kean Cipriano Live in Concert.
Maaga pa lang ay dagsa na ang pila sa labas ng venue at karamihan ay nakasuot ng T-shirt na may nakasulat na "Callalista."
May mga nanood ding celebrities sa concert katulad nina former Senator Migz Zubiri, Direk Wenn Deramas, DJ Durano, Empoy Marquez, JC Parker, Lauren Uy, Frank Magalona, at ang celebrity stylist na si Liz Uy.
Pagkatapos ng concert, hinabol ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Liz dahil nagmamadali itong lumabas ng venue.
Malugod namang nagpaunlak sa maiksing interview si Liz, na napapabalitang nililigawan daw ni Kean.
Una naming inusisa kay Liz kung nag-enjoy ba siya sa concert.
Sagot niya, "Masaya, oo nag-enjoy ako. Ngayon ko lang siya nakitang mag-perform.
"Oo, na-apreciate ko kasi andami naman niyang kinanta na alam ko. Maraming kanta na nakakanta ko rin."
Dumako naman kami sa isyung ligawan nilang dalawa ni Kean. May mga bali-balita kasi noon na diumano ay niligawan ni Kean si Liz.
Sagot ni Liz dito, "Hindi ko alam, siya ang tanungin n'yo. Friends lang naman kami talaga.
"Ay, ewan ko, tanungin n'yo siya kung nililigawan niya ba ako, kasi hindi ko masasagot 'yan."
Pero kung ligawan ba siya ni Kean ay may pag-asa ba ito?
Sagot ni Liz na natatawa, "Ay, pag nanligaw na, saka ko sasabihin!"
Naging magkaibigan daw sila ni Kean dahil kay Vice Ganda. Hayag naman kasi ang magandang pagkakaibigan nina Vice at Kean.
Pero sa isang interview noon ni Kean, sinabi nitong hindi darating sa puntong liligawan niya si Liz dahil ayaw niyang masira ang kanilang pagkakaibigan.
Tugon naman ni Liz dito, "Tama, para [hindi] masira [ang pagkakaibigan], tigilan na natin yang mga tsismis na 'yan.
"Echos lang, friends lang talaga kami, wala naman [ligawan]."
Sa huli, nagpaabot ng mensahe si Liz kay Kean dahil sa matagumpay niyang concert.
Aniya, "Congratulations sa napaka-successful na concert...sana marami pang dumating.
"I wish him all the best sa career niya at sa acting...all of us are just here to support him."
