Bahagyang nagkagulo sa Quezon City Prosecutor's Office ngayong umaga, December 6, nang magsisigaw ang talent manager na si Annabelle Rama.
Dito kasi ginanap ang mga clarificatory hearing ng mga kaso na isinampa ng dating aktres na si Nadia Montenegro laban kay Annabelle.
Ang mga kasong ito ay ang Falsification of Documents, Child Abuse at Defamation.
Ito ay kaugnay ng akusasyon ni Nadia na hindi umano naging maayos ang pagtrato ni Annabelle sa kanyang mga anak.
Si Annabelle ang manager ng mga menor-de-edad na anak ni Nadia na sina Alyanna, 17, at Anykka, 15.
Parehong dumalo sa pandinig sina Annabelle at Nadia.
Magkasunod silang dumating sa ika-apat na palapag ng gusali, pasado 8:30 ng umaga.
Kasama ni Annabelle ang kanyang lawyer na si Atty. Derrick Delegencia.
Kasama naman ni Nadia ang kanyang lawyer na si Atty. Marie Glen Abraham, at ang dalawang anak niya.
Noong simula ay mahinahon naman ang dalawang panig.
Bahagya mang nagpaparinig si Annabelle sa hallway ay naging tahimik naman ito sa loob ng kuwarto ng piskal na una nilang pinuntahan.
Nakapasok ang media sa kuwartong ito, ang sala ng piskal na si Perfecto Lawrence D. Chua-Cheng V, kung saan ginawa ang clarificatory hearing sa kasong falsification of documents.
Dito ay isinumite at sinumpaan ni Annabelle ang kanyang counter-affidavit.
Ipinasa naman si Nadia ng request para ipa-examine sa NBI ang orihinal na kopya, at di lang photocopy, ng mga kontrata ng kanyang mga anak.
Matapos nito ay tumuloy naman ang dalawang panig sa sala ng piskal na si Liezel Aquiatan-Morales, para sa clarificatory hearing ng kasong child abuse at libel.
Hindi na pinayagan ang media na pumasok sa pagkakataong ito.
Nasa loob sina Annabelle at Nadia, ang kanilang mga lawyers, at ang mga anak ni Nadia.
Matapos ang ilang minuto ng paghihintay ay narinig mula sa kuwarto ang malalakas na sigaw ni Annabelle.
Narinig ng PEP ang salitang "sinungaling," mga mura, at mga bantang sasaktan si Nadia.
(Sa panayam kay Nadia matapos ang insidente ay sinabi nitong umakma umanong manananapak ang talent manager.)
Ilang sandali pa ay tumakbo palabas ng silid si Nadia, na yakap-yakap ang dalawang anak na umiiyak.
At bago pa makalayo sina Nadia ay lumabas na rin si Annabelle para tuluyang umalis.
Sigaw pa rin ito nang sigaw at mura nang mura.
Pagdaan ni Annabelle sa tabi nina Nadia ay sinigawan nito ang dalawang menor-de-edad na anak ni Nadia na: "Tell the truth!"
Matapos nito ay nagmadaling naglakad si Annabelle mula ika-apat na palapag hanggang palabas ng gusali.
Sa paghangos niyang ito ay nakakuha pa rin ang media ng panayam sa galit na galit pa ring talent manager.
Abangan ang detalye ng pahayag na ito, pati na rin ang pahayag ni Nadia, mamaya sa PEP.