Kaninang umaga, Disyembre 6, ay bahagyang nagkagulo sa Quezon City Prosecutor's Office nang magalit at magsisigaw si Annabelle Rama sa isang clarificatory hearing para sa mga kasong isinampa ni Nadia Montenegro laban sa kanya.
Kaugnay nito, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press si Nadia ng dalawang beses— bago mangyari ang gulo, at matapos mangyari ito.
Sinabi ni Nadia na kaya raw umiyak ang kanyang mga anak na sina Alyanna at Anykka ay umakma umano si Annabelle na sasapakin sila nito.
Ito ay bukod pa sa sunud-sunod na murang pinaulan nito sa kanya sa loob ng fiscal's office.
Saad pa ni Nadia, "Puwede niya namang ilaban sa korte.
"'Wag ganun, yung nagwawala ka.
"Hindi naman lahat ng lugar puwede kang magwala, hindi naman lahat ng tao puwede mong tapak-tapakan nang ganun."
Nang tanungin kung bakit nagsisigaw si Annabelle, "Hindi ko alam" ang agad na isinagot ni Nadia.
"Basta bigla na lang siyang nagwala, na hindi ko na na-keep track kung ano'ng pinagsasabi niya."
Dagdag pa ni Nadia, ang akto ni Annabelle ang patunay na dapat na ngang pakawalan ng talent manager ang kanyang mga anak sa management contract nila rito.
PURPOSE OF COURT VISIT. Bago magsimula ang hearing ay nakausap na ng PEP si Nadia.
Dito ay malumanay niyang ipinaliwanag ang pakay nila sa korte sa araw na ito.
Ayon kay Nadia, magdadagdag sila ng ebidensiya sa kasong child abuse at defamation na isinampa nila laban kay Annabelle.
Hanggang ngayon daw kasi ay patuloy ang paninira ni Annabelle sa Twitter.
Maghahain din sila ng motion para magbigay si Annabelle ng orihinal na kopya ng mga kontrata ng kanyang dalawang anak, para masuri ng NBI.




0

