Dennis Trillo on biggest lesson he learned from his past relationships: "Sa lovelife, siguro mag-ingat lang sa susunod. At sa tingin ko, mas maging conscious. Mas maging tahimik na lang. Bilang artista, marami rin ginagawang iba, tulad ng ibang proyekto. Ayoko na pag-usapan palagi yung tungkol lang sa lovelife."

Photo: Noel Orsal

Bagamat ilang araw na lang at Pasko na, hindi pa raw alam ni Dennis Trillo kung ano ang plano niya o kung paano niya ipagdiriwang ito.

Saad niya, "This Christmas, medyo magulo pa, kasi maraming gagawin, lalo na ang pagpu-promote ng pelikula this filmfest. 

"Pero every Christmas, importante na saan man kami magpunta, anuman ang gawin namin, basta magkakasama kaming buong pamilya. 

"Basically, bisita sa mga relatives, mother side and father side."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Dennis sa presscon ng Yesterday Today Tomorrow kagabi, December 6, sa Imperial Palace Suites.

Ayon pa sa aktor, nakakasama rin naman niya ang anak nila ng dating kasintahan na si Carlene Aguilar, si Calix Andreas, lalo na sa mga espesyal na okasyon tulad ng Kapaskuhan.

Aniya, "Madalas hati kami. Sa umaga kay Carlene, bandang hapon hanggang gabi naman sa akin. 

"Every special occasion, ganoon talaga."

LOOKING BACK. Ngayong malapit nang magtapos ang taon, tinanong ng PEP si Dennis kung paano niya ilalarawan ang taong 2011 para sa kanya.

Saad niya, "2011, ang daming nangyari—maganda at hindi masyadong maganda.

"Pero yun nga, katulad ng sinabi ko kanina, ang importante sa buhay, yung journey mo habang tinatahak mo ang daan mo sa destinasyon.

"Pero blessed pa rin, matatapos ang taon na nagkaroon ako ng pelikula na kasama ang isang higanteng cast.

"At masaya rin na natapos na rin lahat.

"Hindi ko alam kung unos na dumating, pero ang importante do'n, meron tayong napulot na aral at hindi na mangyari yun, at makatulong sa atin bilang isang tao."

Isa sa pinakamalaking kontrobersiyang hinarap ni Dennis ngayong taon ay ang breakup nila ni Jennylyn Mercado.