Sam Concepcion on why he likes Kim Chiu: "She just seems very sweet and good-looking."

 

Photo: Noel Orsal

Ikalawang beses nang kasama sa Shake, Rattle & Roll [SRR] franchise ang young actor-singer na si Sam Concepcion.

Kasama siya ngayon sa "Parola" episode ng SRR 13, entry ng Regal Films para sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ngayong taon.

Ang una raw niyang ginawa ay ang SRR 9. Para kay Sam, masaya ang gumawa ng horror films.           


Saad niya, "Parang usually po kasi, kapag nanonood ka ng horror, natatakot ka.

"Pero, kapag ginagawa mo, parang kabaligtaran talaga dahil ikaw ang nananakot.

"Iba ang experience na alam mo kung paano ginagawa yun.

"Parang hindi talaga siya nakakatakot kasi alam mo ang ginagawa, pero iba ang kinalalabasan."
           

Bukod sa SRR 13, kasama rin siya sa afternoon series ng ABS-CBN na Anghelito, Ang Batang Ama at abala rin daw siya sa pagpo-promote ng Forever Young album niya. 

Sa darating na taong 2012, posible raw na pasukin na rin niya ang Asian music scene.

CHRISTIAN BAUTISTA'S FOOTSTEPS. Pareho silang nasa Stages Management ni Christian Bautista na nakagawa na rin ng pangalan sa Asia.

Sa career daw ba ni Christian isinusunod ang tatahaking landas ng kanyang karera?

"Well, iba po kasi ang naging impact ni Christian and Karylle [na magkasama sa Kitchen Musical na ipinapalabas sa Asia].

"Pareho silang Stages [artists] din, pero, malaki ang Kitchen Musical na franchise.  

"Ipinapalabas [ito] sa Asia and other countries. So, siguro, soon..."

SINGING OR ACTING? Kung may opportunity raw na tulad ng nabanggit na palabas, mag-o-audition din daw siya.

"Yes. Isa yun sa mga gusto kong ma-experience. If [I'm] given the opportunity.

"It's all about timing din naman po. Right project, tamang role. Noong mangyari ang Kitchen Musical, saktung-sakto talaga sa kanila."