Masayang idinaos ang Christmas party nina Geoff Eigenmann at Carla Abellana para sa kanilang mga fans noong Linggo ng gabi, ika-4 ng Disyembre, sa Berting's Grill sa may Tomas Morato, Quezon City.
Bahagi na raw ito ng tradisyon ng showbiz couple taun-taon.
Paraan daw nila dito ng pasasalamat sa mga tanga-hanga nila.
Ayon kay Geoff, "Kapag birthday ko, meron talaga. Kapag birthday niya [Carla], meron rin.
"May mga nakikita nga akong mga mukha riyan na matagal ko nang hindi nakikita, na every Sunday, nasa ASAP before.
"They are all here. Ngayon ko lang sila ulit nakita after a long time."
Natutuwa rin ang anak nina Michael de Mesa at Gina Alajar dahil nabuo ang party, kahit gahol sa oras.
"In such a short span of time, naayos namin agad.
"Actually, a lot of people helped out. Ang daming tumulong just to get everything fixed tonight."
Dugtong pa niya, "Masarap ang feeling just to be with them kasi, minsan nga lang ito mangyari.
"They visit sa set, they are very visible. Nagpaparamdam sila.
"At kunwari, kahit na hindi namin sila ma-accommodate, they are still always there no matter what."
At kahit daw may mga individual projects sila ni Carla, andiyan pa rin sila.
"Yun nga ang maganda, kahit hindi kami loveteam in front of the camera now, tanggap pa rin nila and they are still supportive of us, as individuals.
"At kahit na sino ang ka-partner namin, sinusuportahan din nila. As in, walang kaaway."
CHRISTMAS GIFT FOR CARLA. Hindi pa raw nabibili ni Geoff ang regalo niya para sa girlfriend, pero alam na raw niya kung ano ang bibilhin niya.
Katwiran ni Geoff, "Kahit walang ine-expect, it's still something different kapag maganda ang binibigay mo at nilalagyan mo ng effort behind it all also."
Nabanggit niya kanina ang individual projects. Nagkakaselosan ba?
Ang balita kasi, siya raw yung mas seloso sa kanilang relationship.
Sumang-ayon naman dito ang binata, "Yeah, honest naman ako. Ano naman, it's something that I really have to accept.
"Kasi, hindi maiiwasan talaga 'yan. Trabaho namin 'to."
At para hindi pagmulan ng anumang problema, sinisiguro niyang may "trust and communication" sila.
Dugtong niya, "Yun ang maganda sa aming dalawa, we really make it a point na pag-usapan, if something is bothering one of us. Kahit na sobrang pagod na kami, kahit gaano ka-late na 'yan, pag-uusapan namin talaga."
Yung mas pagiging sexy at daring na image ni Carla pagdating sa roles, nakakaramdam ba siya ng selos lalo na't iba ang leading man ng dalaga?
Sagot nito, "No, actually, no point to be jealous because I'm with her. Sila ang dapat na magselos sa akin."
Mabilis naman itinanggi ni Geoff na pinagbabawalan niya ang girlfriend na tumanggap ng mas daring na projects.
"No, like I've said, I have no plans of telling her what to do with her career. So, whatever she wants to do, she has my support."
UPCOMING SOAP. Magsisimula na rin daw si Geoff na mag-taping para naman sa bago niyang primetime series sa GMA-7, ang Legacy.
Aniya, "Sa first few weeks, hindi pa muna kami lalabas ro'n, kami nina Lovi [Poe], Heart [Evangelista]. So, ang first part, younger Cherie Gil, [at] Jackie Lou Blanco.
"Sa present ako. So far, ang inuna talaga, mga past.
Ang mga nag-portray as the younger ones are Dennis Trillo as the young Cesar, Chynna Ortaleza as the young Cherie Gil, and Bianca King as the young Jackie Lou Blanco. Kasama rin si Carla as herself, in a guest role."
Excited na raw siya for Legacy.
"Yes, matagal nang pinag-uusapan. Matagal nang sinabi and it's been a while since I last did Magic Palayok so, excited [ako] to work again."
Bale balik-tambalan nila ito ni Heart, na nakatrabaho niya sa Hiram five years ago sa ABS-CBN.
"I'm looking forward to it since it's been a long time na rin at marami ang naghihintay sa amin. It's been four, five years, so, we'll see kung ano ang mangyayari."
Tinanong din namin si Geoff tungkol sa napapabalitang paglipat ni Carla sa ibang network.
Sabi niya, "Whichever is good for our careers and for our future naman.
"Siyempre, we've thought of scenarios...what if, ganito, ganyan...Accepted naman."
Okay lang ba sa kanya kung magkakahiwalay sila ng network ni Carla?
"Yes, it's just a different network and Metro Manila is just so small."
