Hindi man direktang napag-usapan ang tungkol sa napapabalitang relasyon nina Vic Sotto (left) at Pauleen Luna (not in photo), nguni't nagpahaging naman si Ai-Ai delas Alas (right) tungkol sa tunay na namamagitan sa dalawa.

Photo: Noel Orsal

Kagabi, December 8, sa naganap na press conference ng Enteng Ng Ina Mo sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound ay nagbigay ng ideya ang aktres na si Ai-Ai delas Alas ukol sa tunay na estado ng napapabalitang relasyon ng leading man niya sa pelikula na si Vic Sotto at co-star nilang si Pauleen Luna.

Sa presscon, tinanong sina Ai-Ai at Vic kung ano ang nadiskubre nila tungkol sa isa't isa habang ginagawa ang pelikula.

"Ngayon ko napatunayan kung gaano kagandang tao si Ai-Ai," pahayag ni Vic.

"Maganda na sa loob, maganda pa sa labas...overall," dagdag pa niya.

Napangiti naman ang aktres sa narinig na ito at nagsimulang makipagbiruan sa mga reporter.

"O, alam mo na?" unang banat ni Ai-Ai na tila may pinapahiwatig.

"Alam ko naman kung gaano ka-pogi at ka-steady si Bossing sa mga panahon na ito.

"Poging-pogi! Wala nang hihigit pa."

May follow-up question kay Vic ang showbiz reporter na si MJ Felipe, ang nagsilbing host ng naturang press conference: Si Ai-Ai ba ang pinakamagandang babae sa paningin niya ngayon?

"Oo naman," ang mabilis na sagot ng aktor.

Subalit agad ding humirit si Ai-Ai:

"Huwag tayong maka-sure, ha," sabay tawanan ang lahat na tila alam na kung ano ang tinutukoy ng aktres sa kanyang sinabi.

"Huwag na huwag, ha. Huwag gano'n," patuloy ni Ai-Ai.

Sabay lingon nito sa kaliwa at sa kanan habang sinisipat ang mga katabi niyang artista sa entablado.