Kagabi, December 8, sa naganap na press conference ng Enteng Ng Ina Mo sa Dolphy Theater sa loob ng ABS-CBN compound ay nagbigay ng ideya ang aktres na si Ai-Ai delas Alas ukol sa tunay na estado ng napapabalitang relasyon ng leading man niya sa pelikula na si Vic Sotto at co-star nilang si Pauleen Luna.
Sa presscon, tinanong sina Ai-Ai at Vic kung ano ang nadiskubre nila tungkol sa isa't isa habang ginagawa ang pelikula.
"Ngayon ko napatunayan kung gaano kagandang tao si Ai-Ai," pahayag ni Vic.
"Maganda na sa loob, maganda pa sa labas...overall," dagdag pa niya.
Napangiti naman ang aktres sa narinig na ito at nagsimulang makipagbiruan sa mga reporter.
"O, alam mo na?" unang banat ni Ai-Ai na tila may pinapahiwatig.
"Alam ko naman kung gaano ka-pogi at ka-steady si Bossing sa mga panahon na ito.
"Poging-pogi! Wala nang hihigit pa."
May follow-up question kay Vic ang showbiz reporter na si MJ Felipe, ang nagsilbing host ng naturang press conference: Si Ai-Ai ba ang pinakamagandang babae sa paningin niya ngayon?
"Oo naman," ang mabilis na sagot ng aktor.
Subalit agad ding humirit si Ai-Ai:
"Huwag tayong maka-sure, ha," sabay tawanan ang lahat na tila alam na kung ano ang tinutukoy ng aktres sa kanyang sinabi.
"Huwag na huwag, ha. Huwag gano'n," patuloy ni Ai-Ai.
Sabay lingon nito sa kaliwa at sa kanan habang sinisipat ang mga katabi niyang artista sa entablado.
"Sa bagay, wala naman dito. Charot!" bitaw nito na lalo namang nagpalakas sa hiyawan ng mga press.
Kabilang sa cast ng naturang pelikula si Pauleen Luna subalit hindi ito dumalo sa presscon.
"Pivotal cameo role" kung ilarawan ni Vic ang parte ni Pauleen sa pelikula.
Hindi man daw kasi matagal ang exposure nito ay mahalaga naman ang gagampanan niya dahil siya ang magiging daan kung paano magtatagpo ang landas ng mga karakter nina Enteng Kabisote at Ina Montecillo.
Makalipas ang ilang tanong mula sa press, muling naungkat ang issue tungkol sa diumano'y pagkakaroon ni Vic ng kasintahan na higit na mas bata sa kanya.
Si Vic ay 57 years old na, samantalang ang rumored girlfriend na si Pauleen ay 23 years old lamang.
Tinanong si Ai-Ai ng manunulat na si Alan Diones kung ano ba sa tingin nito ang sikreto ni Vic at sobrang na-i-in love sa kanya ang mga babae kahit na mas bata ang mga ito sa kanya.
"Seryoso at nakakatuwa si Bossing. Napaka-cariñoso at saka misteryoso," sagot ng comedy box office queen.
"Ang hirap i-explain, e. Pero kapag ikaw yung babae a-ano ka talaga sa kanya, e.
"Bibigay ka sa mga pakulo niya, e.
"Mahirap talagang i-explain, pero kapag babae ka magkakagusto ka talaga sa kanya."