Sa walong taon ni Martin Escudero sa showbiz—mula nang magsimula siya sa ABS-CBN, manalo sa StarStruck ng GMA-7, hanggang sa lumipat sa TV5—ang 2011 ang maituturing niyang "most fruitful year" sa kanyang career.
Ayon kay Martin, "Siyempre, ito yung umpisa ng kumbaga malaking pangyayari sa career ko.
"Ngayong taon kasi ipinalabas ang launching movie ko na Zombadings: Patayin sa Shokot si Remington na marami ang pumuri.
"Tapos nakagawa rin ako ng dalawang bigating teleserye sa TV5, yung Babaeng Hampaslupa at ngayon yung Glamorosa.
"Sobra akong nagpapasalamat. Sana mas maging maganda pa ang career ko next year."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Martin sa Christmas party ng Luminary Talents para sa entertainment press kahapon, December 8, sa Annabel's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.
Kabilang si Martin sa talents ni Popoy Caritativo sa ilalim ng Luminary; kasama rin dito sina Marian Rivera, Dennis Trillo, Jestoni Alarcon, AJ Dee, at Janice de Belen.
GLAMOROSA. Proud nga si Martin sa Glamorosa dahil bukod sa magandang ratings ay nagkaroon pa siya ng pagkakataon na makatrabaho ang magagaling na artista gaya nina Lorna Tolentino, Alice Dixson, Tonton Gutierrez, at Zoren Legaspi.
Aniya, "Sobrang saya ko na nakasama ko sila dahil bawat eksena, ginagabayan talaga nila ako, e.
"Sinasabi nila sa akin...kung may makikita silang mas magandang atake, sinasabi nila sa akin para mas mapaganda yung eksena."
ADMIRING RITZ. Kumusta namang katrabaho ang leading lady niya sa Glamorosa na si Ritz Azul?
Sagot ni Martin, "Okay siyang katrabaho, sobrang sarap.
"Hindi ako nahihirapan at saka magaling siya.
"Nabibilib ako sa kanya.
"Bukod sa maganda siya, magaling pa."




0

