Sa pelikulang Segunda Mano—entry ng Star Cinema, Agostodos, at MJM Productions sa Metro Manila Film Festival 2011—hindi lang sina Dingdong Dantes at Angelica Panganiban ang first timers na makatrabaho si Kris Aquino.
Maging ang direktor nila na si Joyce Bernal ay first time ding nakasama sa isang project ang tinaguriang Queen of All Media.
May inamin nga si Direk Joyce nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon ng Segunda Mano kagabi, Disyembre 12, sa 9501 restaurant sa ELJ Building sa ABS-CBN compound.
Ayon kay Direk, "Honestly, hindi ako fan ni Kris.
"Parang noong hindi pa kami nagwo-work, parang okay lang kahit hindi ko siya makatrabaho, yung ganun."
Pero nagbago nga ang pananaw ni Direk Joyce tungkol kay Kris nang magkasama na sila sa Segunda Mano.
Paliwanag ni Direk Joyce, "Alam mo, wala akong naging problema kay Kris.
"Mas madalas she comes sa set made up...at character made up yun ha, hindi yung made up na galing KrisTV, ha.
"Alam niya yung eksena niya.
"Ang kanyang costume, pag alam niyang kunwari action, may apat siyang naka-standby na pamalit.
"Tapos ang nagustuhan ko kay Kris, naintindihan niya yung passion ng paggawa ng pelikula and ibibigay niya.
"May love siya sa filmmaking, na hindi ko in-expect, ha.
"Akala ko talagang endorser lang siya. Yung parang kapag binayaran siya, sasabihin niya maganda."
So, wala yung mga bali-balitang kaartehan ni Kris?
"Actually, maarte naman siya," sabi ng direktor.
"Pero pag maarte, parang iisipin mo pabigat ka, ang dami mong ayaw, delays, ganun.
"Pero hindi ganun si Kris.
"Maarte siya pero hindi siya pabigat, bitbit niya lahat.
"I mean, yung efficient na staff, efficient siya as an actor.
"So, ang sarap niyang katrabaho.
"Alam na alam niya yung script.
"Kahit pala madaldal siya and very opinionated, she listens.
"Nakikinig at makikita mo sumusunod."
Naramdaman din daw ni Direk Joyce ang respeto sa kanya ni Kris bilang direktor.
Ikinumpara pa nga niya ang aktres sa isang sikat na Hollywood actress.
"Si Kris yung Meryl Streep ng Philippine horror," sabi ni Direk Joyce.
Si Meryl Streep ay multi-awarded Hollywood actress na may dalawa nang trophies at 16 nominations sa Oscar Awards.
Patuloy niya, "First day namin, yung umuulan na eksena, alam na niya agad.
"Yung mood, alam na niya agad. Hindi ko alam yung mood ng horror, e.
"Dun, napahanga niya agad ako."
DINGDONG DANTES AS BEST ACTOR. Sa formal question-and-answer portion ng presscon, tahasang sinabi ni Kris na dahil sa galing ni Dingdong Dantes sa Segunda Mano, dapat ito ang tanghaling Best Actor, hindi lang sa MMFF awards night kundi maging sa iba pang award-giving bodies next year.
Ilang beses nang nakatrabaho ni Direk Joyce si Dingdong sa TV at movies, agree ba siya sa sinabing ito ni Kris?
Saad niya, "Mahihirapan akong magsabi ng ganyan kasi hindi ako ganun masyadong makapuri.
"Pero yung ginawa naming Marimar, napabilib ako ni Dong dun and that's TV.
"Iba kasi ang pelikula, e, pati kaluluwa mo kita, e.
"Dito sa Segunda Mano, ibinigay ni Dong pati kaluluwa niya.
"Ang dami niyang ibinigay. Hindi mo hiningi, pero ibinigay niya."
Gaano kasarap katrabaho sina Kris at Dingdong?
"Alam mo, nakakatulong siguro na producers sila.
"They understand yung production, as in walang problema.
"Ang problema lang namin sa technical aspect, pero sa ibang bagay, okay lahat.
"Sa mga actors, wala, walang problema.
"Sa mga producer ko, okay lahat."
ANGELICA PANGANIBAN. First time ding makatrabaho ni Direk Joyce si Angelica Panganiban.
Kumusta naman ang experience niya sa aktres?
"Si Angelica, gusto ko talagang makatrabaho 'yan, e.
"Meron na kaming nagawa dati, pero parang isang eksena lang yun.
"Ito yung buong movie talaga.
"Gusto ko siyang makatrabaho at gusto ko pa ulit siyang makatrabaho.
"First day niya with Dong...Alam mo yung meron kasing artista na kapag may boyfriend kang artista dumarating sa set na nararamdaman mo na, 'Direk, huwag kang ano, ha. May boyfriend ako.'
"E, mag-asawa sila ni Dong [sa pelikula]. So, hindi niya ipinaramdam sa akin yun.
"Dito sa movie, puwede niyang gawin kahit ano, bigay agad, sobra."
Artista rin kasi ang boyfriend ni Angelica na si Derek Ramsay.
Pero dagdag pa ni Direk Joyce, maging kay Dingdong ay ipinaramdam ni Angelica na walang bawal na eksena.
"Feeling ko, pina-feel niya si Dong na kumportable.
"Working with Star Cinema and ABS-CBN, yung ganung atmosphere.
"Kasi alam naman natin na galing sa GMA si Dong.
"So, binigay ni Angel yun kay Dong. So, may concern."
AFRAID OF HORROR MOVIES. Ang Segunda Mano ang first serious horror drama movie ni idinirek ni Joyce.
Pero sa totoo lang daw ay hindi niya gusto ang horror movies.
"Alam n'yo ba, hindi ako nanonood ng horror kasi hindi ko kaya.
"Umuuwi ako, hindi ko tinatapos yung horror.
"Matatakutin ako, sobra," rebelasyon niya.
Isang halimbawa nga raw ng horror movie na napanood niya nang buo ay ang Feng Shui (2004), na pinagbidahan din ni Kris.
"Yung Feng Shui ni Direk Chito [Roño], nabuo ko yung kuwento nun on the third viewing.
"First viewing, wala akong nakitang multo kasi nakapikit ako.
"Second viewing, yung makakaya lang.
"Third viewing, dun ko na nakita yung [multo].
"Si Lotlot de Leon sa Feng Shui, sa third viewing ko na lang siya nakita."
So, anong ginawa niyang paghahanda para sa Segunda Mano?
"Eto yung DVD player na maliit na ganyan, doon ako nanood ng horror movies.
"Nag-marathon ako ng pelikulang horror sa maliit na DVD alas-dose ng tanghali.
"Hindi puwedeng lumagpas, hindi puwedeng dumilim," sabi ni Direk Joyce.
Paano siyang napapayag na gawin ang Segunda Mano knowing na horror movie ito?
"Ano, yun nga si Dong. Si Dong ang pumilit sa akin na gawin ito."
So, isinantabi muna niya ang takot niya?
"Oo, parang, 'Sige gawin ko na ito, Dong.'
"Pero kailangan maganda ang istorya.
"Nung mabasa ko yung istorya, ay ang ganda!
"Tapos sinabi si Angelica daw at saka si Kris ang kasama.
"Sabi ko, okay na ako. Solve na ako dun."
Aminado naman si Direk na nahirapan siya sa unang sabak niya sa horror.
"E, kasi horror-comedy ako e. Yun ang genre ko, anything comedy, yun ako, e."
Dahil nga rito kaya may nararamdamang pressure si Direk sa pagpapalabas ng Segunda Mano.
"Nate-tense ako. Pressured ako kasi bago sa akin ito, e," sabi niya.
Hindi rin masagot ni Direk kung ilang viewing ang kailangan niya para mapanood nang buo ang Segunda Mano.
"Kahit daw kasi siya ang direktor nito, hindi niya raw talaga maiwasang matakot sa maraming eksena.
"Ita-try ko sa first viewing pa lang na mabuo," aniya.
THIRD EYE. Nakadagdag daw sa takot ni Direk ang pagiging bukas ng kanyang third eye dahil nakakakita siya ng mga multo.
Ibinahagi nga niya sa PEP ang isang ghost experience niya.
"Meron kasing isang multo na filmmaker, nanonood siya ng pelikula ko. Nung nag-e-edit ako sa Sampaguita.
"Sinabihan ko nga, 'Ano ba, wala namang ganyanan. Dun ka.'"
Maski nga raw sa shooting ng Segunda Mano ay nakakita rin siya ng multo.
"Oo, nakita ko sa bahay ni Kris mismo, sa condo niya.
"Galing ako sa dining pupunta ako ng CR, may nasalubong akong pusa.
"Tapos, hindi ko sinabi kay Kris, sinabi ko lang sa kaibigan niya.
"Noong second punta ko, sinabi ko na sa kanya.
"Pero tamang-tama naman nung day na yun, may darating na priest kasi magpapamisa siya."
Hindi niya ba sinubukang magkonsulta sa isang may alam tungkol sa third eye? Puwede bang ipasara ito?
"Nagkonsulta na ako noon. Puwede namang isara.
"Pero ewan ko ba hindi ko pa magawa," saad ni Direk Joyce.