Joanna Rose Bacosa on coming out in public again: "Gusto ko pong masabi sa anak ko na pagdating po ng panahon, makita rin ng anak ko na ipinaglaban din siya ng mommy niya para po kilalanin ng ama niya na si Manny Pacquiao."

Photo: Noel Orsal

May sorpresa si Joanna Rose Bacosa kay Congressman Manny Pacquiao, tatlong araw bago sumapit ang 33rd birthday sa December 17 ng Filipino boxing icon.

Si Joanna Rose ay unang lumantad noong 2006 at nagsabing nakarelasyon at naanakan siya ni Manny.

Kahapon, December 14, Miyerkules, muling lumantad si Joanna.

Lumapit siya sa TV5 para makarating kay Manny ang kahilingan niyang kilalanin ng kongresista at boksingero ang kanilang seven-year-old lovechild.

Sa interbyu sa kanya ni Renz Ongkiko, na ipinalabas sa Aksyon Balita, muling ikinuwento ni Joanna ang nakaraan nila ni Manny at ang naganap na out-of-court settlement sa pagitan nila.

THE WAITRESS AND THE BOXER. Ayon kay Joanna, nagkaroon sila ng relasyon ni Manny noong April 2003.

Nagkakilala sina Manny at Joanna noong February 2003 sa isang billiard hall sa Pan Pacific Hotel, kung saan nagtatrabaho si Joanna bilang "spotter" at waitress.

Ayon kay Joanna, "Bale po nakilala ko si Manny Pacquiao noong 2003.

"Nag-work po ako doon sa City Square sa Pan Pacific, tapos regular customer po namin siya na pumupunta doon.

"Doon po nag-umpisa lahat."

Ang kabaitan at pagiging malambing daw ni Manny ang dalawa sa mga dahilan kaya pumayag si Joanna na makipagrelasyon sa kanya.

Ito ay kahit alam niya na may asawa at mga anak ang sikat na Filipino boxer.


THEIR LOVECHILD. Nang mabuntis si Joanna noong May 2003, pinahinto raw siya ni Manny sa pagtatrabaho at pinalipat sa ibang bahay para makaiwas sa mga tsismis.

Ang kanilang anak, na isinilang daw noong January 2, 2004, ang naging bunga ng kanilang short-lived love affair.

Bininyagan ang bata noong November 6, 2005 sa Immaculate Concepcion Cathedral Parish sa Cubao, Quezon City.

Ang pangalan ni Manny ang nakalagay sa baptismal certificate bilang ama ng bata.