Sa January 28, 2012, na gaganapin ang first major solo concert ni Anne Curtis sa Araneta Coliseum na pinamagatang Annebisyosa: No Other Concert World Tour.
Ang concert na ito ay inspired ng Platinum Record award ni Anne, para sa debut album niyang Annebisyosa, at sa blockbuster movie niyang No Other Woman.
Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Anne kahapon, December 14, sa Viva Production office sa presscon ng nasabing concert, nilinaw niyang wala siyang intensiyon na maging Concert Queen.
"Hindi naman...magku-concert lang, enjoy lang," sabi niya.
Paano kung maging successful ang concert niyang ito?
Sabi niya, "Masaya-masaya lang.
"It's just something that shouldn't be taken serious...seriously.
"Fun-fun lang."
Pero dugtong niya, "Sobra akong kinakabahan.
"But at the same time, I know it'll be a lot of fun.
"I know a lot of my friends are going, they're supporting me.
"And it'll just be fun, parang puma-party-party lang sa Araneta."
REGINE AS BACK-UP SINGER. Sumuporta man kay Anne si Regine Velasquez at binansagan pa siya nitong "Empress Concert," ayaw raw mangarap ni Anne na maging guest niya sa show ang Asia's Songbird.
Aniya, "Mahirap namang mangarap na ganung kataas.
"Pero masaya na ako na she acknowledged it in a way na, alam mo yun, na hindi siya nao-offend."
Ang tinutukoy ni Anne ay ang tweets ni Regine na natutuwa ito sa kanyang pagku-concert.
Patuloy ng Kapamilya star, "Parang she took it in a way na hindi rin niya seryoso yung kanta ko.
"Which is, alam mo yun, na ma-replay-an ako nang ganun, masayang-masaya na ako.
"Hello, Regine Velasquez!"
Paano kaya kung pumayag ngang mag-backup sa kanya si Regine sa concert niya?
"Naku, ibibigay ko sa kanya ang buong show, hindi ako papayag na maging backup yun, ever!
"Siyempre, ibibigay ko sa kanya yung show na yun," sabi ni Anne.
Wala raw sa hinagap ni Anne na aabot sa Araneta Coliseum ang kanyang pagsubok sa recording.
"Feeling ko, magigising ako sa panaginip the night before na this is really happening.
"So, it's time to like knock out of it and give a great show."
RAIN OF BLESSINGS. Mula sa pagkakaroon ng hit musical-variety show (Showtime), box-office movie (No Other Woman), hanggang sa platinum record (Annebisyosa) at it na ngang major concert—walang dudang binabagyo ng magagandang opportunities ngayon si Anne.
Para ngang ngayon lang siya bumabawi sa mga isyung pinagdaanan niya noong mga nakaraang mga taon.
Saad ni Anne tungkol dito, "Well, we all know how hard my past was.
"You know, it hasn't been... I've been in the business for 14 years.
"I think the true test of patience really happened.
"And just as long hindi ka nawawalan ng hope, may paninindigan ka sa sarili mo, you can really reach your dreams and make it happen."
ALSO LUCKY IN LOVE. Hindi alam ni Anne kung bakit pati ang kanyang lovelife ay umaayon sa maganda niyang showbiz career.
"I don't know, but I think it's very important that, as any other person who has a job, you have a life out of your own job.
"And you balance that.
"I think yun ang key to it.
"Making sure na hindi lahat ng oras mo nakatutok sa work lang, or sa love life lang.
"You know how to balance it."
Naniniwala si Anne na suwerte sa buhay niya ang boyfriend niyang si Erwan Heussaff.
"I think so.
"Alam mo, ever since he came into my life, I've been nothing but happy," sabi niya.
Madalang nga lang daw kung magkatampuhan sila ni Erwan.
"We're very-very happy...and that makes me happy!" kinikilig niyang sabi.
Hindi rin matukoy ni Anne kung bakit siya napapasaya ni Erwan.
"I don't know...it's just the magic that we shared."
Never din daw nagkaroon ng issue si Erwan sa kanyang trabaho at sa pagiging abala niya.
"I think it also helps na nakilala niya ako na eto na yung mundo ko," aniya.
TWITTER QUEEN. Nananatiling hawak pa rin ni Anne ang titulong "Twitter Queen," kung saan two million ang followers niya.
Aniya tungkol dito, "I'm so happy! Thank you so much!
"Gawin na nating meet-and-greet itong concert ko.
"I'm hoping to see all of you.
"Alam ko namang scattered kayo all over the world.
"Thank you so much for following all the kabaliwan sa aking buhay thru Twitter."
ANNE'S CHRISTMAS THIS YEAR. Ngayong Pasko, sa kanyang Australian father sa Pampanga magdadaos ng Christmas si Anne, kasama ang kapatid na si Jasmine Curtis-Smith.
Pero kina Erwan daw siya magno-Noche Buena, kasama pa rin ang nakababata niyang kapatid.
Wala lang masabing New Year's Resolution si Anne dahil kailangan pa raw niyang maglista.
"May ganun, may New Year's Resolution kami ni Jasmine, and may wishes kami.
"Tinatago na namin yun and we open it kung nagawa ba naman yung mga resolutions namin, at kung wishes namin natupad.
"Last year, ang dami kong resolution. May shop lists, may family..." saad niya.
Ang pagta-travel sa mga bansang hindi pa niya napupuntahan ay kasama raw sa kanyang listahan.
STILL A KAPAMILYA. Samantala, kinumpirma ni Anne ang muli niyang pagpirma ng kontrata sa ABS-CBN.
"Yes, two years...recently lang," sabi niya.
"Of course, Showtime, and then I have a teleserye next year.
"Ayun! Happy na ako."
May opinyon si Anne sa mga kasamahan niya na lumilipat na ng ibang networks.
Sabi niya, "Well, I think na pagdating ng certain time in your life, na you have a certain change, and wala ka namang tinatapakang tao, then go for it."
Kaugnay nito, nabalita ang paglipat ng management company ni KC Concepcion. Mula sa Star Magic, napunta na ito sa Viva na siya ring management company ni Anne.
Ano ang reaksiyon dito ni Anne?
"Uhm, as I've said, kung wala naman siyang natatapakang tao and she wants to have change in her life, and I guess go for it...
"I guess she has her own reasons if ever na totoo man yun," sabi niya.
SHOWTIME.May usap-usapan ding ikinukunsidera raw si Anne na pumalit kay KC bilang host ng Sunday showbiz talk show ng ABS-CBN na The Buzz kapag tuluyan nang iniwan ng huli ang programa.
Pabor si Anne sa posibilidad basta't hindi siya mawawala sa morning variety show niyang Showtime.
Bukod dito, meron ding nakalinyang teleserye at pelikula kay Anne sa susunod na taon. Nangangahulugang maganda pa rin ang daloy ng career ni Anne sa ABS-CBN.
Kaya naman wala raw rason para iwan niya ang Kapamilya Network.
Sabi ni Anne, "I found the perfect balance of a job and happiness.
"Kasi Showtime makes me happy, and it's a job that I do daily and hindi ako nagsasawa.
"Sa Showtime rin ako napalapit sa lahat ng mga tao.
"They saw the closer side of me, the real me.
"Kasi hindi ako umaarte. Hindi ako kumakanta lang gaya sa ASAP.
"In Showtime, they get to know who I really am. So, that's why I love Showtime.
"There's no reason to want to leave that show.
"Hangga't may Showtime, masaya ako."
Isa pa sa kinumpirma ni Anne ay ang pagiging bagong endorser niya ng Folded & Hung, na dating ini-endorse ng kaibigan niyang si Angel Locsin.
Dati kasi, cologne at perfumes lang ang departamento ni Anne sa nasabing clothing brand.
Kamakailan lang daw pumirma ng kontrata si Anne.
Ayon kay Anne, nakapag-usap naman sila ni Angel at ibinigay raw nito ang blessing na palitan siya nito sa F&H.
