Nataon ang interview ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa award-winning TV host-comedian na si Allan K sa pinag-uusapan ngayong pag-uugnay romantically kina Vic Sotto at Pauleen Luna.
Parehong kasamahan at mga kaibigan ni Allan K sa Eat Bulaga! sina Bossing Vic (popular na tawag kay Vic Sotto) at Pauleen.
Sa simula'y alumpihit, kundi man pahapyaw lang ang pagbibigay ni Allan ng reaksiyon tungkol sa Vic-Pauleen "love affair."
LET THEM BE HAPPY. Pero sa kalaunan, seryoso ring nagpahayag si Allan ng kanyang obserbasyon at damdamin hinggil sa estado ng dalawa.
Aniya, "Ako kasi, kung maligaya sila, okay ako, e.
"Di ba, ganun naman lagi?
"Pag sinasabi nilang, 'Kami nga ni ano, mero'n kaming [mutual understanding],' ang tanong ko, 'Maligaya ka ba?' at 'Maligaya din ba siya?'
"'O, ano'ng pakialam ng ibang tao sa inyo, e, pareho kayong maligaya? Go!'" simpleng payo ni Allan K.
Bilang kaibigan, marami na raw nagko-confide kay Allan ng tungkol sa pag-iibigan simula pa noon.
"I know! Parang Mother of Perpetual Help!" natatawang sambit ng komedyanteng host.
Kumusta naman sina Pauleen at Pia Guanio, na immediate ex-girlfriend ni Vic?
"Okey naman sila. Married na naman si Pia, ano pa?"
Sa maraming naging girlfriends ni Vic, mula sa 30 years nang mahigit na pagsasahimpapawid ng Eat Bulaga!, masasabing marami-rami na rin ang naging karelasyon ng comedian-TV host.
Si Allan K na lang yata ang hindi pa nililigawan ni Bossing Vic. Any reaction?
"Pero ikinasal na kami, ha! Napanood n'yo 'yon?
"Ang saya ng episode na 'yon!" sabi ni Allan K tungkol sa isang episode ng Eat Bulaga!.
MAY-DECEMBER AFFAIR. Kuwelang tanong ni Allan sa reporters na naroon: "May problema ba? Para namang sa atin [mga bakla], may problema ba ang edad sa atin?
"Pag tinamaan ka ba, may problema ba sa edad?"
Tinitingnan ni Allan ang sitwasyon bilang isang oportunidad kina Vic at Pauleen para lalo pang magkakilala at may matutunan sa bawat isa.
"Correct! As long as your matter doesn't age," biro pa niya.
Sa obserbasyon na tila sa pakikipag-girlfriend at hindi na sa muling pag-aasawa ang tinutungo ng personal life ni Vic, maingat namang nagkomento si Allan.
"You'll never know, e," aniya.
"Ang lahat naman ng sinasabi ng lahat ng tao, talagang walang period, e.
"May mga nagsasabing, 'Ayoko nang ma-in love.' Pero ganun din naman, di ba?
"Walang may period. Laging may colon, semi-colon, comma. Walang exclamation point! Pak!
"Walang gano'n, 'no!
"Lalo na sa atin, sa showbiz, na napakaano [bilis magbago] ng kapaligiran."
AWARD WINNER. Gaano kahalaga kay Allan K ang latest niyang award/recognition bilang Best Male Variety Show Host mula sa Philippine Movie Press Club (PMPC)?
"Yun nga yung tinatanong n'yo kanina, anong meaning nito [award] sa akin?
"E, bigla n'yong ipinasok si Bossing at Pauleen!" natawa uli siya.
"Seryoso ako nung sinabi ko [sa acceptance speech] na, 'Ang agang pa-birthday nito at pa-Christmas...'
"Nanalo na ako in the past [sa Star Awards for TV], Best Game Show Host, pero iba yun, e.
"Iba yung...major award 'to, e!
"Hindi maagang tinatawag [sa awards program]."
With that, natupad ang isa sa mga birthday wishes ni Allan K this year at sa mga nakaraang panahon.
"Truth is, nung araw, bago 'yan, pag tinatanong ako, 'Ano bang gusto mo sa buhay?'
"Ang hirap sumagot. Pag birthday mo, 'Ano'ng gusto mong regalo?' Ang hirap sumagot dahil...ano pa ba?
"Ano pa bang gusto ko?
"Napakasimple lang naman ng pangarap ko, galing probinsiya," wika pa ni Allan, na tubong-Negros Occidental at Iloilo.
"Gusto ko lang, magkaroon ng 45 RPM Record, kasi singer ako.
"Sobra-sobra na. Ano pa ba?
"Tapos nung sinabihan akong, 'Punta ka, nanalo ka!'
"Ay, parang naiba yung pananaw ko sa daigdig.
"Ay, ito pala ang gusto ko! Ito pala ang isa sa mga gusto ko!
"May mga ganito pala! Oo, may iba pa pala!"
ON ENTERING POLITICS, LIKE AI-AI? "Ako? Ewan ko lang, ha," sabi ni Allan nang tanungin kung may balak siyang sumabak sa pulitika.
"Siya [Ai-Ai delas Alas], bagay sa kanya.
"Ewan ko. Hindi ko alam 'yan, e. Hindi ko alam 'yang field na 'yan.
"Parang mas busy ako sa showbiz, kesa sa politics."
Sumasagi ba sa isip ni Allan K na puwede siyang maging tulad ni Teri Onor na kasalukuyang Board Member sa Bataan province?
"Hayaan mo na siya!" maikling tugon ng TV host-comedian.
BUSINESS. May obserbasyon naman na hindi masuwerte bilang magkasosyo sa negosyo sina Allan K. at Ai-Ai.
Madalas daw ay nagsasara ang mga sing-along/comedy bars na magkasama nilang ino-operate, tulad ng dalawang Klownz Comedy Bar sa Araneta Center sa Quezon City at Angeles City, Pampanga.
"Although marami din kaming pinagsamahan [na nagtagumpay]," pagtatanggol naman ni Allan sa kaibigang komedyana.
"Ito rin naman, nagsara din, e. Nagsara din ito."
Ang tinutukoy ni Allan ay ang Zirkoh Bar sa Tomas Morato Street, Quezon City, kung saan ginanap ang victory party cum presscon niya para sa PMPC.
"Yung sa Timog, isa pa, na-finish contract kami do'n."
Sa paniwala pa ni Allan K, bilang isang negosyante, bahagi ng pagnenegosyo ang eventual closure and losses, tulad sa naunang Zirkoh at Klownz bars.
"Nag-hit din talaga," aniya.
"Darating lang talaga yung pang-fifth year niya, na mawawala siya.
"Kasi, ang in-open naman namin, halimbawa, isang [Klownz] sa Araneta, ang hirap no'n, di ba?
"Sa may Araneta Coliseum mismo.
"Tapos, trinay namin sa Angeles, for the first time trinay namin magbukas sa probinsiya.
"Talagang ang tao pala, sa entrance na 100 pesos araw-araw, 300 pesos sa weekends, mahihirapan sila.
"Kasi, ang 100, ulam na nila 'yon sa buong araw, sa province, di ba?
"So, nag-iisip pa rin kami ni Ai-Ai kung anong magandang negosyo."
Gaano na nga ba kayaman si Allan K?
"Oh, my gud...I'm not that rich!
"Rich ako sa kaibigan, pero hindi ako liquid...rich ako sa love!" saad ni Allan.
LOVELIFE. Mero'n ba siyang lovelife ngayon?
"Walang steady," simpleng tugon niya.
"Magka-lovelife man ako, short-lived lagi.
"Ayoko nang matagalan, tulad ng kay Boy [Abunda] at kay Bong [Quintana]? Hindi ko kaya 'yon!
"Sawain lang talaga ako... Hindi pa ako mestiza no'n, ha?
"Pansinin n'yo kung mestiza pa ako!" pagpapakuwela pa ni Allan.
May napag-uusapan din ang mga tiga-showbiz sa pagiging magkaibigan nina Allan K at James Yap.
Kung mayroon mang pagli-link na higit pa sa friendship ay nilinaw ni Allan K.
"Ha?! Wala...naging kaibigan ko lang yung tao. Kasi magkababayan kami."
Kapwa taga-Escalante, Negros Occidental, sina Allan at James.
Sambit pa ng comedian tungkol sa usap-usapan, "Ewan ko ba kung bakit. Nakakahiya tuloy kay Kris [Aquino, James's ex-wife]."
ADOPTIVE. For his birthday, Allan has but simple wishes: "Long life. Steady career.
"Ulila na ako, e. Pito ang kapatid ko.
"Yung youngest namin, nasa banda nina Wally [Bayola] at Jose [Manalo]. Si Junjun.
"Ang iba, nasa probinsiya.
"Marami akong pamangkin. Ako ang nagpaaral lahat."
Ang isa pang wish ni Allan ay makapag-ampon ng isang bata.
"May nakita na ako, dito lang [along Tomas Morato Avenue]...a 10-year-old boy, na ang looks...
"Ako kasi, ang naging isipan ko, kung mag-aampon ako, para akong si Bakekang," pagtukoy niya sa Komiks character created by Carlo J. Caparas.
"Kailangan, di ba...maputi, parang si Crystal [ampon ni Bakekang]!
"Yung bata, sa hitsura makikita mo, anak siya ng Amerikano.
"Kinausap ko na yung lola, gustung-gusto niyang ipaampon ang apo niya.
"Pero ayaw ng bata.
"Kasi, may mga kaibigan siya, nagtitinda sila ng sampaguita, dito lang sa paligid.
"Sabi ko nga, 'Naku, hindi niya alam what future awaits him.'
"Pero...ewan ko rin," sambit ni Allan.