Tuwing sasapit ang Pasko, abala ang lahat sa pamimili ng kanilang pang-regalo, o di kaya'y pamimili para sa ihahandang Noche Buena.
Bawat pamilya'y may kanya-kanyang tradisyon at paniniwala kung paano ipagdiwang ang engrande at taunang okasyon na ito.
Inalam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mula sa ilang personalidad kung papaano nila ipinagdidiwang ang kapaskuhan.
SEASON TO BE TOGETHER. Bukod sa panahon ito ng pagbibigayan, ang pasko'y panahon din para magkasama-sama ang pamilya.
Para sa pamilya ng modelo, TV host, at aktres na si Solenn Heussaff, tradisyon na ang sabay-sabay na pagkain ng hapunan na niluto ng kapatid niyang si Erwan Heussaff.
Si Erwan ay nakilala na rin sa showbiz dahil siya ang boyfriend ngayon ni Anne Curtis.
Ani Solenn, "Christmas, usually nasa bahay [kami]. 'Yong brother ko, he cooks a ten-course meal. So, buong family lang—mom, dad, brother lang.
"This year, sa Philippines [ang Pasko namin], pero New Year [namin] sa abroad."
Bagama't parehong ulilang lubos na, magiging masaya pa rin daw ang selebrasyon ng Pasko para sa model-host na si Phoemela Baranda at sa footballer na si Phil Younghusband.
Nabanggit ni Phoemela sa PEP na matagal na siyang ulila sa ama't ina. Ngunit tumanggi na siyang pag-usapan ang tungkol sa kanila.
Kaya naman balak daw niya ngayong Pasko, "We still have our morning show [Umagang Kay Ganda] kasi.
"Christmas will be in a weekend, and I'm ulila na. Orphan, wala na ang mom ko and dad ko.
"So, I'll be going to Hong Kong with friends. So, vacation kasi it's a weekend din."
Para naman kay Phil, gagawin nilang espesyal ng kanyang kapatid na si James ang okasyon na ito para sa nakababata nilang kapatid na si Keri.
Setyembre 10 nitong taon ay pumanaw ang kanilang ina na si Susan Placer-Younghusband dala ng massive heart attack.
Ani Phil, na kilala na rin sa showbiz bilang "special friend" ngayon ni Angel Locsin: "We have a ten-year old younger sister we have to look after, and we want to give her everything this Christmas, me and James.
"We know Mom and Dad are looking down on us and they want us to look after our sister.
"So wherever they are, we know—me and James and my sister—we'll be together."
Pinatutunayan lamang nila Solenn, Phoemela, at Phil na kahit ano pa ang ating pinagdadaanan sa buhay, mananatiling buhay ang diwa ng Pasko dahil sa mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa atin.
Maligayang Pasko sa inyong lahat!