May pagka-bad girl ang ginagampanang role ng TV5 Princess at Star Factor winner na si Eula Caballero sa pelikulang Yesterday Today Tomorrow [YTT], entry ng Regal Entertainment at Studio 5 sa Metro Manila Film Festival 2011, na magsisimula sa Disyembre 25.
"I'm Eunice, the daughter of Ms. Maricel Soriano and Mr. Gabby Concepcion," panimula niya sa kanyang papel na ginagampanan sa YTT.
"May pagka-bad girl ang role ko rito dahil na rin sa problems namin sa family, lalo na sa mom and dad ko.
"Abangan n'yo kung paano ako magiging pabigat sa buhay ni Ms. Maricel.
"Hindi naman ako totally bad dito, marami lang kasing nangyari sa family namin na naapektuhan ako emotionally kaya naging pasaway ako, in a way."
Ito ang naging pahayag ng 16-year-old na si Eula nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa presscon na ibinigay ng Talent5 para sa kanya sa Dulcinea restaurant sa Greenbelt 1 noong Disyembre 16.
Ang Talent5 ang talent management arm ng TV5, ang tinatawag na Kapatid network.
Nakaka-relate daw si Eula sa kanyang character dahil bukod sa halos same age nga sila ni Eunice, naging pasaway rin daw siya in a way sa kanyang mga magulang sa totoong buhay.
Kuwento ng Cebuana lass, "Ayaw kasi ng parents ko na pumasok ako sa showbiz.
"Sobrang ayaw ng dad ko. Gusto kasi niyang mag-aral ako while he's working abroad.
"Sabi niya, 'Nagpapakahirap ako dito sa abroad. Sana ma-appreciate mo. Sana mag-aral ka na lang.'
"Pero nung nag-audition ako sa Star Factor, hindi ko sinabi sa kanya.
"Nung pumunta ako sa Manila, nung nasa airport na ako, dun ko lang sinabi sa kanya na sasali ako sa isang reality artista search.
"Actually, alam ng mommy ko. Pero, sinabi ko sa kanya, 'Please, Mama, huwag mo munang sabihin kay dad kasi baka umuwi yun pag nalaman niya.'"
Itinuloy nga ni Eula ang pagsali sa Star Factor hanggang sa tanghalin siyang grand winner.
Ayon sa young actress, "I really tried my best to win the contest para i-prove ko rin sa dad ko na hindi ako nagkamali sa pagsali.
"Nung manalo ako, gusto pa rin ng dad ko na mag-aral ako.
"Nag-promise naman ako sa kanya na once naka-establish na ako ng name sa showbiz, ipagpapatuloy ko ang pag-aaral ko.
"Ayoko lang kasi palagpasin yung opportunity na ibinigay sa akin ng TV5.
"Basta ang promise ko sa dad ko, pag may pagkakataon na makapag-enrol ako, itutuloy ko ang pag-aaral ko.
"Gusto ko rin naman talagang tapusin ang studies ko."
SUPPORTIVE IDOL. First movie ni Eula ang Yesterday Today Tomorrow kaya kumbaga ay nanganganay pa siya at may kaba pa.
"Pero hindi naman daw siya nahirapan nang todo dahil very supportive sa kanya si Maricel Soriano.
"May isang eksena ako with her na kailangan kong umiyak, but I can't cry.
"Nawawala yung luha, hindi ko ma-sustain. And nandun si Ms. Maricel todo-alalay sa akin.
"Hindi siya yung selfish na maging maganda lang yung acting niya. She is very supportive para ma-bring out niya yung best sa iyo.
"Siya yung tipo ng idol na idol mo tapos tutulungan ka pa, parang mag-a-acting coach pa sa iyo. Mas lalo ko talaga siyang hinangaan."
Ano ang mga advice na ibinigay sa kanya ng Diamond Star?
"In terms of acting, sinabi niya talaga na film ito, ang laki-laki ng screen, so bawal malikot ang mata.
"Sabi niya, 'Get your acting from the heart.' Dapat yung luha galing talaga sa sarili mo, may paghuhugutan, may emosyon talaga.
"Kasi sabi niya, alam ng mga manonood kung pinepeke mo ang emosyon mo."
Happy raw si Eula at marami siyang natutunan sa pakikipagtrabaho niya kay Maricel.
Ganun din daw ang pakiramdam niya sa pakikipagtrabaho sa iba pang cast ng Yesterday Today Tomorrow na sina: Gabby Concepcion, Jericho Rosales, Dennis Trillo, Lovi Poe, Carla Abellana, Solenn Heusaff, Paulo Avelino, Agot Isidro, at Ronaldo Valdez.
"FLIRT" ISSUE. Isa pang isyung gustong linawin ni Eula ay pagta-tag sa kanya na malandi.
May tsismis kasing lumabas na may "nangyari" raw sa kanila ng aktor na si Johan Santos, dating Pinoy Big Brother housemate, nang sila ay magkasama sa bakasyon sa Batangas.
Paliwanag ni Eula, "Unang-una, gusto kong linawin na hindi lang kaming dalawa ni Johan ang magkasama.
"Marami kami. It's a group vacation. Nangyari yun noong November 1 kasi nga, walang trabaho.
"Tatlong ka-batch ko sa Star Factor pumunta sa Batangas, sina: Nikita McElroy, Mav Lozano, and then si Paul Montecillo.
"Nauna sila doon noong October 31. Sabi ko hahabol ako.
"Dahil wala nga akong driver, kaya hindi ako makaalis. Kasi nga pinag-day off ko yung driver ko.
"Then tumawag si Victor Silayan, sabi niya nga sumabay na lang daw ako sa kanya.
"Then nag-text sa akin si Johan, sabi niya nga nandun na raw siya."
Matagal na raw kasi nilang plano magkakaibigan ang naturang short vacation.
"Matagal na kasi kaming niyayaya ng friend namin na may-ari ng resthouse sa Batangas. So, that time lang natuloy."
Mero'n ba talagang nangyari sa kanila ni Johan?
"Wala!" mariing sabi ni Eula.
"Sabi pa nga nag-lock daw kami ng pinto. That's not true kasi sa room pa lang, ang dami-dami na namin.
"Parang, ano yun? Parang ang labo naman na may mangyayari sa amin kahit maraming tao."
Never bang nagkaroon ng time na silang dalawa lang ni Yohan ang magkasama sa bakasyon na yun?
"Never. Yun pa nga, unfair sa kanya yun kasi sobrang gentleman niya.
"Nag-lock siya sa kotse niya. Dun siya nag-stay sa kotse niya. Yung mga girls kasi, dun kami sa room.
"Hindi namin kasama ang boys. Sa kotse siya natulog.
"Sabi nga namin patayin na lang niya yung aircon niya kasi baka ma-suffocate siya or whatever.
"So, the whole night sa kotse siya nag-stay."
Aminado si Eula na nasaktan siya sa isyung lumalabas na malandi siya at easy to get na babae dahil sa umano'y Batangas incident with Johan.
"Hindi ko tuloy alam kung paano i-defend yung sarili ko.
"I admit party girl ako. I party a lot.
"Pero, hindi ako malandi, hindi ako easy to get.
"Pag lumalabas ako, mas madalas ko kasama yung mga kaibigan kong girls.
"Nakakahiya talaga yung isyu na yun, lalo na sa parents ko.
"Kasi before ako umalis, nagpaalam pa ako sa mom ko na mag-overnight nga kami.
"Dapat nga sasama si Mama, pero she trusts me naman."
Paano niya hinarap ang isyung ito?
"Nilalakasan ko na lang ang loob ko.
"Kahit naman nung nasa Star Factor pa kami, sinasabihan na kami na pag sumabak na kami sa showbiz talaga, hindi lahat ng haharapin namin ay maganda.
"Mero'n talagang dadating na mga negative, mga intriga, ganun.
"So, kahit paano nai-ready ko na rin ang sarili ko.
"At saka alam ko naman kung ano yung totoo, e.
"Natural lang na ma-hurt ka sa una pero kumbaga, charge it to experience."
STILL FRIENDS WITH JOHAN. Nagkakilala sina Eula at Johan nang magkasama sila bilang presenters sa Box-Office King and Queen Awards ng Guillermo Foundation.
Kuwento niya, "After that, we went out with friends a couple of times.
"And then nakalabas din kami na kaming dalawa lang. We went out for lunch."
So, nanliligaw ba si Johan sa kanya, o sila na?
"Hindi po. That's for sure, hindi kami.
"Kasi parang nauna yung getting to know each other through dates bago nagparamdam talaga.
"Nakakatawa, kasi nung time na nagde-date-date pa kami, ang tawag ko sa kanya, e, kuya."
Ano na ang status ng relationship nila ni Johan?
"Wala, we're still friends.
"After nung Batangas, ang tagal ulit bago kami nagkita.
"Last Sunday lang ulit kami nagkita."
Kung ituloy ni Johan ang panliligaw sa kanya, may pag-asa ba ang aktor?
"Siguro hintayin na lang niya akong mag-18," sagot ni Eula.
Ano ba ang nagustuhan niya kay Johan?
"Ano siya, yung pag-iisip niya when we go out, he really cares about me.
"At yung sa Batangas doon ko napatunayan yung pagiging gentleman niya.
"Siya pa nga ang nagsabi na iwas na lang para walang malisya.
"Pero still, may negative issue pa ring lumabas."
Pero sinigurado ni Eula na hindi naman makakaapekto sa pagiging magkaibigan nila ni Johan ang naging isyu sa kanila.