Janelle Manahan personally went to the office of the Department of Justice to follow-up her request to get into the government's Witness Protection Program (WPP). Janelle is a witness in the murder case of her boyfriend Ramgen Revilla.

Photo: File photo

Personal na humarap kahapon, December 19, sa Department of Justice (DOJ) si Janelle Manahan, nobya ng napaslang na aktor na si Ramgen Revilla.

Ito ay para i-follow up ang kanyang hiling na isailalim siya sa Witness Protection Program (WPP) ng gobyerno.

Si Janelle ang pangunahing testigo sa pagpatay kay Ramgen. Nabuhay siya matapos na dalawang beses ding pagbabarilin.

Mahalaga ang testimonya ni Janelle dahil sa mga nakita niya sa gabi ng krimen at sa pagkakakilala niya sa pamilya ni Ramgen.

Ang mga kapatid ni Ramgen na sina Ramona at Ramon Joseph "RJ" Bautista ay inaakusahang masterminds sa pagpatay sa aktor, ayon sa mga nag-imbestigang awtoridad.

Ayon kay DOJ Secretary Leila De Lima, kailangan munang sumailalim sa interview at evaluation si Janelle sa mga officers ng Witness Protection Program bago siya mabigyan ng proteksyon kaugnay ng pagiging prime witness niya.

"They cannot make a recommendation without the evaluation from the evaluators of the WPP office. We're just waiting for that before I act," sabi ni De Lima sa panayam sa kanya ng late-night news program ng ABS-CBN, ang Bandila.

Kumpiyansa naman si Janelle na pagbibigyan ng DOJ ang kanyang kahilingan.

"It was okay. Mukha namang positive yung magiging result," sabi ni Janelle pagkatapos ng interview ng WPP.

WATCHLIST ORDER FOR FURUYAMA COUPLE. Hinihingi rin ng abugado ni Janelle, si Atty. Argee Guevara, na ilagay sa watchlist order ang isa pang kapatid ni Ramgen na si Gail Bautista-Furuyama at ang asawa nitong si Hiro.  

Isa si Gail sa mga kapatid na pinaghihinalaang kasabwat sa pagpatay kay Ramgen.

Hiniling din ng kampo ni Janelle na patawan ng hold departure order (HDO) ang mag-asawa para hindi sila makalabas ng bansa katulad ng ginawa ni Ramona.

Ito ay sa kabila ng ibinabang utos ng Korte Suprema na pumipigil sa DOJ na maglabas ng anumang HDO.

Sabi ni Atty. Guevara, "Bagamat alam namin na merong litigasyong nagaganap ngayon sa Korte Suprema, our legal position remains that the watchlist order, in so far as Ms. Gail Bautista-Furuyama and Mr. Hiro Furuyama are concerned, is not covered by the present deliberations."

Pagkatapos ng panayam ng WPP kay Janelle, isusumite na ito para aprubahan ni Secretary De Lima.