Walang pelikula si John "Sweet" Lapus na kasali sa Metro Manila Film Festival ngayong taon.
Sa huling limang Shake Rattle & Roll ng Regal Entertainment ay palaging kasama si Sweet. Pero sa 13th installment ng horror franchise ay hindi na siya nakasali.
Hindi rin natuloy ang pelikulang Hototay na dapat ay isa sa MMFF entries this year.
Kuwento ni Sweet sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), "Siyempre, nanghihinayang ako kasi every year sa MMFF ay may movie ako.
"Dapat nga ay yung Hototay, kaso hindi pumuwede ang schedule ni Ate Guy [Nora Aunor].
"Kaya nag-decide na lang sila Direk Joel [Lamangan] at Mother Lily [Monteverde] na next year na lang gawin.
"Miss ko nga ang mag-shooting for Shake, Rattle & Roll. Hindi ba parati akong pinapatay sa episodes na kasama ako?
"Kung kelan last Shake, Rattle & Roll na ay hindi pa ako nakasama.
"Wala raw kasing role para sa akin. Sayang at magagaling pa naman ang mga directors na humawak ng SRR."
ABS-CBN CHRISTMAS SPECIAL. Isa si Sweet sa naghandog ng production number sa ginanap na Christmas special ng ABS-CBN sa Araneta Coliseum, ang Da Best Ang Pasko ng Pilipino, na ipinalabas noong December 17 at 18.
Dahil dito, inakala tuloy ng marami na balik Kapamilya network na siya.
Pero paglilinaw ni Sweet, "Ay, hindi naman. I was there lang for the Star Magic Artist production number.
"Mr. M [Johnny Manahan] requested me to be part of it since isa nga ako sa Star Magic Prime Artists.
"Ang bongga naman no'ng number namin kaya sulit.
"Na-miss lang siguro ako ng mga Kapamilya fans kaya nagtilian sila when they saw me, at siyempre box-office hit ang Won't Last A Day Without You.
"Actually, kinakabahan ako that day at baka walang pumalakpak sa akin.
"Na-touch ako after the Star Magical production number, sabay umuwi na ako agad.
"Nakatulog ako nang may ngiti sa labi."
AWAAARD! Bagamat walang entry sa MMFF this year si Sweet, naging maganda ang kabuuan ng 2011 para sa career niya.
Sunud-sunod ang awards na natanggap niya bilang isang comedian sa TV at sa pelikula.
Kahit na nasimulan ang taon ng pagsasampa niya ng demanda laban sa kolumnistang si Jobert Sucaldito.
Sabi ni Sweet, "2011 for me is such an adventure—exciting, masaya, at victorious.
"Para akong umakyat sa mataas na bundok at na-reach ko yung top. Parang Romy Garduce lang!"
(Si Garduce ay mountain climber na nakaakyat ng Mt. Everest.)
Pagpapatuloy ni Sweet, "Sinimulan ng stress dahil sa demanda ko sa isang reporter at nag-win na ako sa fiscal."
(First stage ng pagdedemanda ay ang makapasa ang complaint sa piskalya, na siyang magsasabi kung may merit ang complaint. 'Pag sinabi ng piskal na walang merit, hindi ito makakausad sa next level, kung saan ira-raffle na ito sa mga judges. Pag may judge na, tuloy-tuloy na ang kaso.)
"Tapos, dumating na ang mga awards from Golden Screen at Guillermo Mendoza Memorial Foundation for Here Comes The Bride." Nakuha ni Sweet ang Best Comedy Actor award.
"Tapos, ang three movies na ginawa ko ay pare-parehong box office hits—Who's That Girl, Temptation Island, at Won't Last A Day.
"Tapos, humabol pa ang Best Supporting Comedy Actor for Show Me Da Manny sa Golden Screen TV Awards.
"Tuwang-tuwa ako talaga sa mga na-achieve ko sa taong ito."
SWEET IN 2012. Sa 2012 ay marami nang naka-lineup na trabaho para kay Sweet. Kaya magiging bongga raw ang pagpasok ng Year of the Dragon para sa kanya.
Ayon kay Sweet, "Abangan nila ang Hototay namin ni Ate Guy! Maganda ang story nito.
"Tapos yung movie ko with Viva Films, first of the two-picture non-exclusive contract that I signed—yung Moron 5 and the Crying Lady.
"I'll be starring with Marvin Agustin, Billy Crawford, Luis Manzano, Mart Escudero, at DJ Durano.
"Siyempre ako si Crying Lady. Ang bongga, di ba? Lima ang leading men ko! Abangan nila 'yan sa March.
"Sa January, start na din daw kami ni Marian Rivera ng bago niyang sitcom. Na-miss namin ang isa't isa kaya excited kami ni Yan na gawin yung show.
"At baka gumawa na din ako ng isang soap bilang soap na soap na ako, at sayang naman ang acting awards ko kung hindi ko magagamit.
"Bilang paghahanda ko sa Year of the Dragon, bubuga ako ng apoy sa dami ng pasabog ko!" tawa pa niya.
Nag-renew na rin ulit ng kanyang kontrata si Sweet para sa Showbiz Central ng GMA-7.
Pero balitang non-exclusive contract na ito, kaya may posibilidad na makapagtrabaho si Sweet sa ibang TV network.
"Bahala na kung ano ang mangyayari, di ba? Nagpapasalamat lang ako kay Lord dahil sa sunud-sunod na blessings.
"Mahal ko ang trabaho ko at siyempre the more the merrier!" ngiti pa niya.
NEW YEAR IN NEW YORK. Sa New York magse-celebrate ng New Year si Sweet, kasama ang kaibigan niyang si Kris Aquino.
Aniya, "Dahil sa madami akong labada nitong 2011 at sa darating na 2012, I deserve a break.
"Kaya sa New York kami magnu-New Year ng friend kong si Kris Aquino at mga anak niyang sina Josh at Bimby.
"Si Kris ang pinaka-generous kong friend. So New York vacation ang Christmas gift niya sa 'kin.
"Ang gift ko sa kanya, manonood ako ng Segunda Mano!" natatawang sabi ni Sweet patungkol sa MMFF entry ni Kris.
