Annabelle Rama on Nadia Montenegro: "Dapat ako ang unang nagdemanda sa kanya. Nagmakaawa lang siya sa akin, pinagbigyan ko siya. Pero ngayon, inunahan naman niya ako. Siya, wala talaga siyang plano dahil wala naman akong kasalanan, puro imbento."

Photo: Mark Angelo Ching

Sinabi ni Annabelle Rama sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na siya raw dapat ang naunang magsampa ng demanda laban kay Nadia Montenegro.

Ito ay bago pa siya kinasuhan ni Nadia ng child abuse at nadagdagan pa ng ibang mga kaso—oral defamation, falsification and use of public documents, libel, at unjust vexation.

Ayon pa kay Annabelle, noong magkabati pa sila ay sinisingil na niya ang mga kasangkapang kinuha diumano ni Nadia sa kanyang storage sa Brgy. Batis, San Juan.

Sabi ng talent manager, "Dapat ako ang unang nagdemanda sa kanya. Nagmakaawa lang siya sa akin, pinagbigyan ko siya.

"Pero ngayon, inunahan naman niya ako.

"Siya, wala talaga siyang plano dahil wala naman akong kasalanan, puro imbento.

"Ako, may plano ako noon pa, kasi sabi sa akin ng pamilya ko, 'Bakit hindi mo na lang idemanda para maibalik ang mga gamit mo?'

"'Bakit hindi mo na lang idemanda 'yan?'

"'Ang binabawi mo, sofa lang, e, ang dami niyang kinuha, hindi sofa lang.'"           

Kaya raw isinumite na niya ang kanyang complaint-affidavit kay Assistant City Prosecutor Julpihir Jalambo ng San Juan Prosecutor's Office noong Lunes, December 19.

Theft ang kasong inihain ni Annabelle laban kay Nadia.

Kasunod ito ng nauna niyang reklamo kay Nadia na attempted kidnapping. (CLICK HERE to read related story.)

Nakasaad sa kanyang complaint-affidavit na bukod sa sofa set na hiniram nito, ang iba pa raw na kinuha ni Nadia ay ang mga sumusunod: 10 antique accent chairs, 65-inch Sony TV, designer frame set, accent table, 3 beds with headboard and mattresses, antique cabinet, at isang set ng BelKraft stainless steel pots and pans.

Tinataya raw na nagkakahalaga ang lahat ng ito ng 400 thousand pesos.

Naka-attach din sa naturang complaint-affidavit ni Annabelle ang "demand letter" ng Calleja Law Office—ang legal counsel ni Annabelle—na may petsang December 8, 2011.