Manny Pangilinan (in photo), according to current business buzz, is negotiating with the big bosses of GMA-7 to buy the Kapuso network.

Photo: Noel Orsal

Mainit na usap-usapan sa iba't ibang social networking sites ang balitang bibilhin ni businessman Manny Pangilinan ang GMA-7 Network.

Si Manny V. Pangilinan, o mas kilala bilang MVP, ang bumili noong nakaraang taon sa TV5, ang dating Associated Broadcasting Company (ABC 5), na pagmamay-ari ni Antonio "Tonyboy" Cojuangco.

Sinasabing may investments din si MVP sa ilan pang media establishments, gaya ng Philippine Star at Philippine Daily Inquirer.

At nito nga ay nababalitang gusto naman niyang bilhin ang Kapuso network, na sinasabing No. 1 or No. 2 television station ng bansa, depende sa kung sino ang nagbibidá.

Ang pinakamahigpit na kalaban ng Kapuso network (GMA-7) sa ratings at income ay ang Kapamilya network (ABS-CBN) ng mga Lopez. Ang Kapatid network (TV5) ay sinasabing third major player naman.

Ayon sa everythinginbudget.com, isang nagpapakilalang "marketing website," nakikipag-negosasyon sa kasalukuyan si MVP kina Atty. Felipe Gozon, GMA-7 chairman and CEO; Gilberto Duavit, Jr., GMA-7 president and COO; at Joel Marcelo Jimenez, GMA-7 board director.

Ito raw ay para bilhin ang GMA Network sa halagang "500 bilyong piso."

Gayunman, hindi pa raw natatapos ang negosasyon dahil ang ilang stockholders daw ay naghihintay ng mas maganda pang offer mula kay MVP.

Ayon naman sa sources ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), totoong may negosasyong nagaganap sa pagitan ni MVP at ng tatlong pamilyang may majority stocks sa GMA-7, ngunit di hamak daw na mas mababa ang offer sa table.

Nasa bilyones din daw ito, ngunit malayong-malayo raw sa 500 billion pesos.

RUFFA'S TWEETS. Tinatayang nagsimula ang usap-usapan nang mag-tweet sa kanyang Twitter account si Ruffa Gutierrez, isang TV5 talent, tungkol sa isang diumano'y "confirmed" property na bibilhin ni MVP.

Ayon sa kanyang post noong Disyembre 25, "Guess what MVP is buying next?? Found out last week through a little birdy but the few people I told didn't believe me. Now its CONFIRMEDDD."

Matapos ng post na ito'y wala nang sinabi tungkol sa isyu si Ruffa, hanggang sa kumalat na ang usap-usapan na ang Kapuso network ang binibiling property ni MVP.

Ngunit ngayong araw, Disyembre 27, bandang alas dos ng hapon, may pahabol si Ruffa sa pamamagitan muli ng Twitter, na wala raw siyang binanggit sa kung ano ang bibilhing property ni MVP.

Aniya, "READ my tweet again. I never confirmed what MVP is buying! Kaya sa mga assuming, don't put words in my mouth. Yes and that includes you!"