Dingdong Dantes on winning the Best Actor award at the 37th MMFF: "Dati sinasabi ko na bonus na lang talaga ang magkaroon ng recognition, magkaroon ng award. Minsan nga iniisip ko hindi ko talaga siya hinahangad. Pero nung moment na nakuha ko siya at nasabi nga na ako e, kakaiba pala yung feeling."

 

Photo: Noel Orsal

Sa unang pagkakataon tinanghal na pinakamahusay na aktor para sa isang pelikula ang Kapuso artist na si Dingdong Dantes.

Iginawad ng Metro Manila Film Festival ang nasabing parangal kay Dingdong para sa filmfest entry na Segunda Mano.

"Dati sinasabi ko na bonus na lang talaga ang magkaroon ng recognition, magkaroon ng award.

"Minsan nga iniisip ko hindi ko talaga siya hinahangad.

"Pero nung moment na nakuha ko siya at nasabi nga na ako e, kakaiba pala yung feeling.

"Minsan masasabi mo talaga na kailangan talaga na... kailangan siya ng isang aktor para at least ma-verify mo sa sarili mo na meron kang tamang ginagawa.

"Wala akong expectations kaya mas naging sweet yung victory, dahil wala akong expectations," ayon sa pahayag ni Dingdong sa taped interview sa kanya ng Startalk TX kahapon, December 31.

Unfortunately, hindi nakadalo sa Gabi ng Parangal si Dingdong; nasa Boracay ang aktor kasama ang pamilya nito at ang kanyang girlfriend na si Marian Rivera nang matanggap ang magandang balita.

Magkasama sila nang nakarating sa aktor ang balitang siya nga ang MMFF Best Actor.

"Tuwang-tuwa rin siya, siyempre! Muntik kasi akong malaglag sa upuan ko, actually napa-ganun ako e, tapos medyo nahawakan ko siyang ganun.

"So tuwang-tuwa rin siya, sobra!"

Ayon naman kay Marian...

"Nakaka-proud, kasi bago pa man mangyari yung mga yan ay marami na ang nag-text sa akin na magaling nga raw si Dong sa Segunda Mano.

"Kaya nakakataba ng puso dahil na-appreciate nila si Dong sa pag-arte niya."

Maliban sa co-star niyang si Kris Aquino, bilib na bilib din sa Kapuso hunk ang direktor ng kanilang pelikula na si Joyce Bernal.