Para kay John Estrada, maganda ang itinakbo ng kanyang hosting career sa telebisyon nitong nakaraang 2011.
Umaasa si John na sana ay magtutuluy-tuloy ito ngayong 2012.
"Iyon naman ang hangad ng bawat artista, na maging maganda ang takbo ng ginagawa nila," aniya sa isang panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kamakailan.
"Kung paghu-host man ito, o pag-arte, siyempre ang hangad lang ng lahat, e, magtuluy-tuloy."
Masaya umano siya sa araw-araw na paghu-host ng noontiume show ng ABS-CBN na Happy Yipee Yehey. Para na raw silang isang malaking pamilya ng mga kasamahan niya rito.
BABY COMING. Siyempre pa, excited na rin siya sa paglabas ng baby nila ng asawa niyang si Priscilla Meirelles.
"Bukod sa trabaho, siyempre kailangan kong pagtuunan ng pansin 'yong magiging panglima kong anak."
Apat ang anak niya sa ex-wife niyang si Janice de Belen na ayon kay John ay masaya raw dahil magkakaroon sila ng bagong kapatid.
"Due na ang panganganak ni Priscilla nitong February. I'm not sure, pero sabi... baka February 11 hanggang March 4 puwede naming i-expect ang paglabas ng baby.
"Baby girl po siya. And... masaya ako siyempre. Masayang-masaya."
May pangalan na sila para sa baby?
"Alam mo... ready na kami lahat. May crib na. Kumpleto na sa gamit pati mga damit.
"Pero pangalan, do'n kami medyo ano... kasi kailangang espesyal.
"Dahil espesyal sa amin [ni Priscilla] 'yong magiging baby namin."
Tungkol sa nalalapit na panganganak ni Priscilla, handang-handa na raw pati ang ospital kung saan ito dadalhin.




0

