Vic Sotto and Ai-Ai delas Alas team up for this year's Metro Manila Film Festival box-office winner, Enteng Ng Ina Mo. The comedy-fanstasy film grossed P237,879,178.70.

Photo: Noel Orsal

Inilabas na ng Metro Manila Film Festival organizing committee, sa pamamagitan ni MMDA Chairman Francis Tolentino at MMFF executive chairman, ang kabuuang kinita ng pitong kalahok na pelikula ngayong taon.

Ipinalabas ang mga pelikulang kalahok sa 37th Metro Manila Film Festival mula December 25 hanggang January 7.

Nanguna ang Enteng Ng Ina Mo na kumamal ng kabuuang kita na P237,879,178.70.

Bida sa pelikulang ito ng M-Zet Productions, Star Cinema, at OctoArts Films sina Vic Sotto at Ai-Ai delas Alas.

Sa simula pa lang ay malayo na ang kalamangan ng Enteng Ng Ina Mo sa mga nakalaban nitong pelikula.

Sa katunayan, mahigit sa P100 million ang kalamangan ng kita nito sa pumangalawa-ang Segunda Mano nina Kris Aquino at Dingdong Dantes.

Ang pelikulang ito na iprinodyus ng Star Cinema, MJM Productions, at Agostodos Pictures ay kumita ng P126,630,979.00.

Nagsimula ang Segunda Mano sa ikatlong puwesto, pero umakyat ito sa ikatlong puwesto pagkatapos ng isang linggo.

Pumangatlo naman ang Panday 2 na pinagbibidahan nina Senator Bong Revilla at Marian Rivera.

Iprinodyus ng Imus Productions at GMA Films, kumita naman ito ng P105,603,500.25.

Pumang-apat naman ang family comedy na My Househusband: Ikaw Na! nina Judy Ann Santos, Ryan Agoncillo, at Eugene Domingo.

Handog ng OctoArts Films, umabot ang kita nito sa P62,074,350.58.

Sumunod sa pang-limang puwesto ang horror franchise ng Regal Entertainment na Shake Rattle & Roll 13 na kumita ng P55,484,185.89.

Tampok dito si Eugene Domingo, na kasali rin sa Enteng Ng Ina Mo at My Househusband.

Ang MMFF Best Picture winner na Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story ay nasa ika-anim na puwesto sa pamamagitan ng kita nitong P38,437,416.80.