"Kung naputulan siya ng pakpak, di ba, hindi siya makalipad, gano'n, nasasaktan siya, nandito ako para...nandito lang ako para sa kanya. Para hindi siya malungkot, ganoon," says Xian Lim about screen partner Kim Chiu.

Photo: Allan Sancon

Sa remote telecast ng The Buzz kahapon, January 8, sa SM Skydome, live na nakausap ng show host Toni Gonzaga ang cast ng ABS-CBN primetime series na My Binondo Girl.

Parehong naka-kulay pulang suot ang magkatambal sa serye na Kim Chiu at Xian Lim.

Ayon sa dalawang young stars, hindi nila ito plinano.

Palusot pa ni Kim, Chinese New Year daw kasi kaya siya naka-pula.

WITHOUT WINGS. Binalikan ni Toni ang mga naging pahayag nina Kim at Xian sa interview nila noon sa Kris TV kunsaan sinabi ni Kim na para raw siyang nawalan ng pakpak. 

Sumagot naman daw noon si Xian na siya ang magsisilbing pakpak ng kapareha. 

Bakit nila nasabi ang mga katagang yun?

Natatawang sagot ni Xian, "Kasi, sabi po ni Ms. Kris [Aquino, host ng Kris TV], sabi po niya, para raw si Kim naputulan ng pakpak. Yun ang pagkakasabi niya.

"Sabi ko naman kay Ms. Kris, kung naputulan siya ng pakpak, di ba, hindi siya makalipad, gano'n, nasasaktan siya, nandito ako para...nandito lang ako para sa kanya.

"Para hindi siya malungkot, ganoon."

Tinanong naman ni Toni si Kim na bakit tila kinikilig ito sa sagot ni Xian. Para raw iba ang mga ngiti ni Kim ngayon at parang kinikiliti ito.

Sabi ni Kim, "Hindi, natatawa lang ako."

Bakit siya natatawa?

"Wala lang," ang nakangiti niyang tugon.

Pero ano nga ba ang pakiramdam na may isang lalaki na handa siyang saluhin at handang maging pakpak niya kung sakaling gusto niya ulit lumipad?