Angeline Quinto on finding love: "Kung sakaling darating yung lalake na para sa akin, e, di gora! Pero kung wala, e, di wala. Focus muna ako sa trabaho."

Photo: Allan Sancon

Naging maganda ang 2011 para sa singer na si Angeline Quinto, at positibo rin siya sa pagpasok ng taong 2012.

Pagkatapos niyang manalo sa singing search na Star Power, sunud-sunod ang mga proyektong ibinigay sa kanya ng ABS-CBN.

Marami rin siyang tinanggap na awards mula sa iba't ibang award-giving bodies dahil sa kanyang husay sa pagkanta. 

Saad ni Angeline, "Ang 2011 ang masasabi ko talaga na ito yung taon na para sa akin. 

"Dun nag-umpisa ang lahat, dun ako nanalo sa Star Power.

"Naramdaman ko na tuluy-tuloy ang blessings ko.

"Nag-start yung movie ko with Coco [Martin], dun ko nalaman na may talent ako sa pag-arte. 

"Marami akong natanggap na awards...sampu yata—Song of the Year, Best New Female Artist, etc.

"So, sobrang thankful ako for 2011.

"For 2012, nilu-look forward ko na sana mas marami pa akong awards na makuha kasi gustung-gusto ko talaga ang nakakatanggap ng awards. 

"Sana mas marami pang projects ang dumating para mas lalo ko pang mapabuti ang pag-arte.

"Gusto ko talagang mahasa ang pag-arte ko."  

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Angeline sa backstage ng ASAP 2012 noong Linggo, January 8.

MOVIE WITH COCO. Gaya ng nabanggit ni Angeline, isa sa tinatapos niyang proyekto ay ang pelikulang pinagtatambalan nila ni Coco Martin, ang You Light Up My Life.

Pero balitang nahinto raw muna ang shooting nito dahil abala ngayon si Coco sa seryeng Walang Hanggan, na magsisimula na sa Enero 16.