Alessandra de Rossi is very happy about her upcoming television project with GMA-7. "Lahat kami sa cast, excited dito sa Legacy," she says.

Photo: Noel Orsal

Sobrang excited daw si Alessandra de Rossi sa pagsisimula ng seryeng Legacy—kung saan makakasama niya sina Heart Evangelista, Geoff Eigenmann, Lovi Poe, Sid Lucero, Mike Tan, at iba pang Kapuso stars.

Pero bahagyang umarko ang kilay ni Alessandra nang matanong tungkol sa balitang kamakailan ay nagmamakaawa raw ito sa pagwi-wish na magkaroon ulit ng boyfriend.

"Never!" ang halos patili niyang reaksiyon.

"Hindi pa rin siya nakakasama sa aking prayers! Ha-ha-ha!

"At hindi rin siya nakasama sa wish list ko ngayong 2012.

"So... baka mga three years from now, puwede ko nang i-wish na magkaroon ulit ako ng boyfriend.

"Siguro magkaka-boyfriend ulit ako kapag 35 na ako! Ha-ha-ha-ha!"

Sa mas seryosong tono, sinabi nitong wala pang puwang sa buhay niya ang pag-ibig.

"Hindi ko talaga siya naiisip sa ngayon. Ang problema naman kasi kapag na-in love ako, pati naman career ko, itatapon ko, e. Gano'n naman ako.

"Pero sa ngayon, hindi ko lang talaga siya naiisip kasi, wala rin naman akong nakikilala talaga na gusto ko," ang paliwanag ng 27 anyos na dalaga.

Kung husay sa pag-arte ang pag-uusapan, wala nang dapat pang patunayan ang nakababatang kapatid ni Assunta de Rossi.

CONFRONTATION SCENES WITH LOVI. At inaasahang muli na naman niyang ipapamalas ang kanyang kalibre bilang isang magaling na artista dito sa Legacy, lalo pa't maraming mabibigat na confrontation scenes at tarayan.

Ang kuwento ni Alex (palayaw ni Alessandra), "Grabe nga ‘yong mga eksena, lalo na ‘yong kami ni Lovi na lagi kaming nagbabarahan.

"'Tapos, nakikita ko sa script ‘yong...tumatahimik na ako kasi wala na akong maisagot. Sabi ko, pagdating ng taping, hindi ako tatahimik! Ha-ha-ha! May isasagot ako, for sure."