"I'm really open talaga, kasi this year talaga, as I declared, I am an actress," Kris Aquino says. "Nandun ang utak ko talaga—to complete one teleserye, and hopefully, two movies this year."

 

Photo: Noel Orsal

Napabalitang naibaba na raw ng korte ang desisyon sa annulment ng kasal nina Kris Aquino at James Yap, at na-grant na raw ito.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang abugado ni James na si Atty. Lorna Kapunan, ngunit di tulad ng karaniwang gawi nito, ngayon ay ayaw nitong magbigay ng sagot.

Sinubukan din ng PEP na kapanayamin si James pero tumanggi rin itong magsalita.

Ang pagkakaalam ng PEP, hindi puwedeng magsalita ang dalawang kampo kaugnay sa desisyon ng korte, kaya tikom ang kanilang bibig sa isyung ito.

Sa thanksgiving party naman ng Segunda Mano nuong nakaraang Huwebes ng gabi, maingat na sumagot si Kris Aquino sa mga tanong namin.

Kakaiba rin itong ipinakikita ni Kris, na kilala ng lahat bilang bukas at pranka kaya nga't nababansagang "taklesa."

Tinanong namin ang aktres/endorser/host kung ano ang inaasahan niya sa personal niyang isyu, at mabilis niyang sinagot ito ng "Wala."

"Ayoko magsalita, e. Baka maudlot pa, e, di huwag na lang," pakli nito.

"Siguro a month from now you'll know why, dun na lang natin pag-usapan."

Sinundan namin ito ng tanong kung ano ang wish niya para sa sarili.

"Basta hintayin ko na lang talaga. Siguro by my birthday puwede na akong maging vocal sa mga wini-wish ko," ang makahulugan niyang sagot.

Tinanong uli namin kung may kinalaman ba ito sa kaso.

"Basta. Huwag 'nyo na lang ako tanungin," ang sabi niya.

Wala nang idinagdag si Kris tungkol sa isyung pinag-uusapan ngayon dahil mahirap na raw at baka mapahamak pa siya.

WISHES COME TRUE. Masaya na raw siya dahil lahat ng hiniling niya para sa kanyang pelikula sa MMFF ay natupad: Ang maging No. 2 sa box office at manalong best actor si Dingdong Dantes.