Cloie Syquia-Skarne (right) with half-sisters KC (left) and Garie Concepcion (center) pose for this photo. The three daughters of actor Gabby Concepcion watched the Katy Perry concert last Sunday night, January 22.

Photo: Twitter

Pipirma bukas, January 26, ng kontrata sa Viva Artists Agency si Cloie Syquia-Skarne.

Si Cloie ang 17-year old daughter ng dating aktres na si Jenny Syquia sa aktor na si Gabby Concepcion.

In-adopt na ni Cloie ang apelyido ng asawa ng kanyang ina, si Filip Skarne.

Nakipag-meeting kahapon, January 24, ang mag-inang Jenny at Cloie kay Vic del Rosario, ang big boss ng Viva Group of Companies.

Napagkasunduan nila na ang Viva Artists Agency ang mamamahala sa modelling career ng teenager.

Naririto sa Pilipinas ang mag-ina para raw magbakasyon.

Ito ang unang pagkakataong bumalik si Cloie sa bansang sinilangan, makalipas ang labinlimang taon.

Hindi maganda ang naging hiwalayan nina Jenny at Gabby, na umabot pa sa isang court case na inihain ni Jenny laban kay Gabby.

Sa Sweden na naka-base sina Jenny at Cloie.

Kasama nila roon ang napangasawa ni Jenny na si Filip Skarne at ang kanilang anak na si Filippa.

Nang makaharap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Jenny at Cloie kahapon, ikinuwento nila ang nararamdamang kaligayahan sa pagbalik sa Pilipinas.

Ayon sa kanila, "It's really more fun in the Philippines!"—na take-off sa bagong slogan ng Department of Tourism.

Sa kanilang pagbalik sa Pilipinas, nakilala ni Cloie, sa pamamagitan na rin ng inang si Jenny, ang kanyang mga kapatid sa ama na sina KC at Garie Concepcion.

Si KC ay anak ni Gabby sa Megastar na si Sharon Cuneta, samantalang si Garie naman ay anak ng aktor sa businesswoman na si Grace Ibuna.