Negros Occidental Representative Iggy Arroyo passed away earlier today, January 26, after he was removed fropm life support. Arroyo initially announced that his brother, Iggy, who is in London for treatment of his liver ailment, suffered a cardiac arrest, was revived in the hospital, but has remained in a coma.

Photo: Courtesy of Garie Concepcion

Tuluyan nang sumakabilang-buhay si Negros Occidental Rep. Ignacio “Iggy" Arroyo Jr.

Ayon sa report ng 24 Oras ng GMA-7, pumanaw ang kongresista matapos tanggalin ang kanyang life support ngayong araw, Enero 26.

Sa mga naunang ulat na lumabas sa Internet, pumanaw si Iggy, nakababatang kapatid ng dating First Gentleman Jose Miguel "Mike" Arroyo, dahil sa cardiac arrest.

Nasa London si Iggy dahil sa ipinapagamot nito ang matagal na niyang karamdaman sa atay.

Sinabi ni Mike na na-cardiac arrest ang kanyang kapatid kagabi, January 25, ngunit nagawa pa raw i-revive si Iggy sa ospital, kaya lang ay na-comatose pa rin ito.

Sa ulat naman ng GMA News kaninang hapon, January 26, binawi ni former First Gentleman Mike Arroyo ang unang pahayag tungkol sa kapatid.

Sa halip, sinabi niyang "clinically" dead ang status ni Iggy, at kasalukuyang naka-life support ito.

Kinumpirma rin ito ng chief staff ni Rep. Iggy na si Edgar Ruado sa phone interview ng TV5 News kaninang tanghali.

Sabi pa ni Ruado, "Maybe there was confusion, because when you say one is clinically dead, it would seem that the person is already dead."

Nakausap din daw ni Ruado ang partner ni Iggy na si Grace Ibuna tungkol sa kalagayan ng kongresista.

Sinabi raw ni Grace na hanggang ngayon ay "unresponsive" pa rin si Iggy.

Nakilala ang 60-year-old na kongresista noong kasagsagan ng paglilitis ng Senado noong 2003 ng kontrobersyal na "Jose Pidal" account.

Inako ni Iggy na kanya ang account sa kabila ng mga suspetsang pag-aari ito ng kanyang kuyang si Mike Arroyo, na noon ay First Gentleman ng bansa.

Muling naging laman ng balita si Iggy noong 2011 nang sinubukan niyang pagtakpan muli si Mike sa akusasyong nagbenta ang huli noong 2009 ng second-hand helicopters sa Philippine National Police.

Ayon mismo sa kumpanyang pinagkuhanan ng mga helicopter, ang dating First Gentleman ang bumili at gumamit ng mga helicopter bago ito ipinagbili sa PNP.