Michael de Mesa on pursuing a career in Hollywood: "Well, I want to. I mean, it's a... I think it's every actor's dream, it's my dream. Pero mahirap, e, kasi hindi ako nag-iisa, e, di ba? So, mahirap naman yung habang hinihintay ko yun, iba yung gagawin ko. Okay lang sana kung ako lang mag-isa, but I recently got married. 'Tapos, I have a stepdaughter, so meron din akong sinusuportahan. I really needed a more stable job. Ngayon, kung dadating yung chance, okay din. I mean, open na open ako for that, hindi ko pa siya inaalis sa dreams ko."

Photo: Courtesy of TV5

Nasa Pilipinas ngayon si Michael de Mesa.

Umuwi ng bansa si Michael para gawin ang remake ng dating TV series na Valiente, na ginagawa ngayon ng TV5.

"Sabi nila, 'Ire-remake namin ang Valiente, gusto ka naming kunin,'" banggit ng aktor sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa mensahe ng Kapatid network sa kanya.

Kung ibang project, hindi siya papayag?

"Marami ng offers before, e. Dito lang talaga, e."

Mananatili raw si Michael sa Pilipinas hanggang matapos ang taping ng Valiente.

THEN & NOW. Sa orihinal na serye, ayon sa Wikipedia, umere ang Valiente sa ABS-CBN mula 1992 hanggang 1995, at nalipat ito sa GMA Network mula 1995 hanggang 1997.

Sina Michael de Mesa at Tirso Cruz III ang gumanap noon sa mga pangunahing papel.

Sa bagong version ng Valiente, si JC de Vera ang gaganap sa dating role ni Michael at si Oyo Sotto naman ang gaganap sa role ni Tirso.

Si Michael ang gaganap bilang ama ni JC.

"It's exciting!" bulalas ng nagbabalik na aktor.

"I'm treating it as a totally different project, kasi siyempre iba na yung istorya.

"It's more detailed, mas maraming characters.

"So, para siyang bago, para siyang bago na teleserye."