Janice de Belen on her upcoming showbiz talk show with Carmina Villaroel  on ABS-CBN: "Showbiz, pero mas malalim na parte ng showbiz. Mas in-depth yung mga interviews namin. Mas in-depth ang aming reporting."

Photo: Noel Orsal

Ang dating magkasamang Janice de Belen at Carmina Villaroel sa long-running talk show na SiS sa bakuran ng GMA-7 ay napapabalitang magkakaroon ng bagong talk show sa ABS-CBN simula ngayong Pebrero.

Nakasama rin ng dalawa sa SiS ang kapatid ni Janice na si Gelli de Belen na ngayo'y nasa bakuran na ng TV5.

Noong isang taon lumipat si Janice sa Kapamilya network, at sumunod naman si Carmina nitong 2012.

Ang talk show raw na ito na gagawin nina Janice at Carmina ang papalit sa mababakanteng timeslot ng Entertainment Live (E-Live), na napapanood tuwing Sabado ng hapon.

Mawawala na raw sa ere ang naturang showbiz talk show ng ABS-CBN.

TWO-YEAR CONTRACT. Wala pang pormal na announcement ang ABS-CBN tungkol dito kaya naman nang magkaroon ng pagkakataon na makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Janice, nilinaw namin sa kanya ang mga balitang ito.

Inamin niyang meron nga silang talk show na gagawin ni Carmina sa Pebrero, pero hindi pa niya puwedeng idetalye sa PEP kung ano ang nasasaklaw sa nasabing show.

Ang inamin lang niya ay ang pagpirma ng two-year contract sa ABS-CBN.

Magkasunod pa nga silang pumirma ng kontrata ni Carmina noong January 16, 2012 sa Kapamilya network.

Kuwento ni Janice, "I was going to sign a contract that day.

"Nung mag-sign na ako ng contract, sinabi nga sa akin na I will be given a talk show na makakasama ko si Carmina.

"And noong nag-sign ako ng contract, tamang-tama, nandun din si Carmina, nag-sign din siya ng contract. Magkasunod kami."

Dagdag pa niya, "Two years, exclusive contract ang pinirmahan ko, except of course sa Spoon."

Ang Spoon ang daily cooking-talk show ni Janice na napapanoood sa Net 25.