Na-miss daw ng dating child actor na si Makisig Morales ang maging parte ng isang TV series.
Kaya nga't sa pamamagitan ng bagong weekly horror-adventure show na Oka2Kat, na magsisimula sa Sabado, February 4, muling magbabalik telebisyon ang dating bida ng Super Inggo.
"Na-miss ko rin po ang pagte-taping," nakangiting sinabi ni Makisig nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang pang media pagkatapos ng press conference para sa show.
Ito ay ginanap kahapon ng tanghali, January 31, sa 9501 Restaurant sa loob ng ABS-CBN compound sa Quezon City.
Ayon kay Makisig, noong mga panahong wala siyang acting project, tumutok siya sa kanyang pag-aaral.
Bukod pa rito, sabi niya, "Na-enjoy ko po ang bakasyon.
"Kasi, nasa akin po lahat ng scripts ng mga ginawa kong shows dati.
"Kapag binabasa ko 'yon, nakaka-miss talaga.
"Binabasa ko or mine-memorize ko ulit.
"Tumitingin ako sa salamin, parang mine-memorize ko ulit. Nakakatuwa lang po."
WHAT HAPPENED TO UTOY? Matatandaan na noong matapos ang Super Inggo, lumabas ang ilang balita na makakasama ni Makisig ang Comedy King na si Dolphy sa dapat sana'y kasunod niyang proyekto, ang Utoy.
Subalit wala nang naging balita tungkol dito.
At noon nga'y hindi na rin madalas nakikita sa telebisyon si Makisig, maliban sa ilang guest apperances sa iba't ibang programa.
Nang tanungin ng PEP kung ano ang nangyari dito, hindi ito masagot ni Makisig, dahil aniya, "Hindi ko rin po alam kung ano ang nangyari."
"Actually, tapos na rin po namin. 'Yong pilot lang po ang hindi napag-agree-han, ewan ko lang po."




0

