Inamin na sa wakas ni Pangulong Noynoy Aquino na nagde-date sila ng GMA News personality na si Grace Lee. "We're seeing each other," ang naging maikling tugon ni PNoy nang tanungin siya kung totoong nagde-date sila ni Grace.

Photo: Noel Orsal

"Well, we're seeing each other."

Ito ang maikling pahayag ni Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III kaugnay ng usap-usapang nagde-date sila ng TV personality na si Grace Lee.

Ginawa ni PNoy ang pag-amin sa isang press conference kaninang umaga, February 1.

Pero tumanggi nang magbigay ng anumang detalye si PNoy dahil, biro niya, may constitutional right daw siya to privacy.

Sa news program naman ng GMA News Channel 11 na Balitanghali kanina, tinanong si Grace ng co-anchor niyang si Raffy Tima kung ano ang reaksiyon niya sa pag-amin ni PNoy.

Nakangiti at tila nahihiyang sagot ni Grace: "What the President said is true."

Pero nang tanungin kung gaano katagal na silang nagde-date ng Pangulo, ngumiti uli si Grace at sinabing "Secret."

Pero sa panayam sa kanya ng 24 Oras, inamin ni Grace na "recently" lang sila nagsimulang lumabas ng Pangulo.

Aniya, "We've been dating for a short while. We're in the stage of getting to know each other."

Nakilala na rin daw ni Grace ang mga kapatid ni PNoy na sina Ballsy at Pinky at ang kanilang mga asawa.

Pero hindi pa raw niya nakikilala ang bunsong kapatid ni PNOy na si Kris Aquino.

THE DATE. Ang balita tungkol sa pagde-date ni PNoy at Grace ay nagsimula nang mag-post sa Twitter ang kaibigan ni Grace na si Mo Twister, na kasalukuyang nasa Amerika.

Ito ang tweet ni Mo noong January 26: "We are talking about Grace Lee's date last night with President Aquino. #itsmorefuninthephilippines."

Kinabukasan, January 27, ay may lumabas na report sa website ng Philippine Star, kunsaan nakasaad na si Grace ay "reportedly been telling her colleagues that Aquino, a 51-year-old bachelor, is her textmate, and that the President tries to visit her if he has time."