Puspusan na ang ginagawang paghahanda ni Regine Velasquez para sa nalalapit nilang concert ni Ogie Alcasid na pinamagatang Mr. & Mrs. A. Ilan sa mga guest performers sa naturang concert ay sina Vice Ganda, Dingdong Dantes, Erik Santos, Kyla, at Angeline Quinto na iniintriga ng ilang fans na diumano'y ginagamit si Regine upang sumikat ito. Dinepensahan naman ni Regine ang anak-anakan niyang si Angeline at sinabing, "I'm more flattered than anything else. At saka kumpitensiyahin ko pa ba iyong bata? May anak, may bagets na nga ako! 'Wa na!"

Photo: GA Granali

Excited na si Regine Velasquez sa kanyang pagbabalik-entablado sa mismong Araw ng mga Puso, February 14.

Makalipas kasi ang halos apat na taon ay muli itong magtatanghal, kasama ang asawang si Ogie Alcasid, sa concert na pinamagatang Mr. & Mrs. A, na gaganapin sa Smart-Araneta Coliseum.

"It's very exciting. First of all, we haven't worked together in a concert in long while mula noong after nag-asawa kami.

"Actually, iyong huling concert namin, hindi pa nga kami umaamin, e," saad ni Regine.

Ang tinutukoy niyang concert ay ang The Songbird & The Songwriter noong 2004, sa mga panahong hindi pa nila inaamin ni Ogie sa publiko ang relasyon nila.

Nakapanayam ng PEP (Philippine Entertainment Portal) si Regine sa El Buono Restaurant sa Quezon City noong January 30.

Ang darating na February 14 concert ang kauna-unahang concert nila ni Ogie bilang mag-asawa.

Nang tanungin kung ano ang bago at dapat abangan sa concert na ito, sinabi ni Regine: "Exciting ngayon kasi it was my idea to have a concert talaga.

"My husband nga, sabi niya, 'Are you sure? Kasi kakapanganak mo pa lang.' But I want to, kasi na-miss ko talaga.

"Siguro kasi, mas personal—iyong, kasal na kami and we have a child—so iyon siguro iyong kaibahan, unlike before na wala lang, kantahan lang. Ngayon, mas personal.

"And I hope that the audience will appreciate it, will like it, kasi makikita nila na iyong other side of Ogie and myself."

LESS-DARING COSTUMES. Bukod siyempre sa kanyang pag-awit, isa pa sa mga inaabangan ang magarbo at sexy costumes ni Regine.

Sina Rajo Laurel at Cocoy Lizaso ang inatasan niyang magdisenyo ng kanyang gowns para sa naturang concert.

Sexy pa rin kaya ang tema ng kanyang mga gown ngayon? Magpapakita pa rin ba siya ng cleavage tulad ng dati?

"Wala. Mananahimik muna sila Susan at Amalia!" bulalas ni Regine tungkol sa kanyang dibdib, na kapansin-pansing lumaki matapos niyang magdalang-tao at manganak noong nakaraang taon.