Lexi on Jhake Vargas: “Opo, mabait siyang tao. So, yun… ako, hindi ako nagsasalita ng tapos. Ewan ko, malay po natin anong mangyari sa future. Pero sa ngayon po talaga, focus po muna ako sa trabaho ko tsaka sa studies ko.”

 

Photo: Noel Orsal

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media ang tween star na si Lexi Fernandez noong Martes, February 2, sa press launch ng Alice Bungisngis and Her Wonder Walis  sa Studio 7 ng GMA Network Center.

Tinanong namin ang 17-year-old na anak ni Maritoni Fernandez kung may ini-entertain na ba siyang manliligaw ngayon.

"Meron naman pong nagpaparamdam, pero sa ngayon po, focus muna talaga ako sa trabaho," sagot ni Lexi.

JHAKE VARGAS. Ano naman ang reaksiyon niya sa balitang nag-uugnay sa kanila ni Jhake Vargas, na kasama niya sa Alice Bungisngis at kapareha ng title-roler na si Bea Binene?

Ayon kay Lexi, "Kung may umiikot man na ganun, hindi na lang namin pinapansin.

"Alam namin yung totoo na magkaibigan lang po talaga kami.

"Kasi po, pareho kaming focused sa career namin. Pareho po kaming gustong i-balance yung studies at work.

"Yun po talaga yun," dagdag pa niya.

Pero paano kung ligawan siya ni Jhake balang-araw? May pag-asa ba ang binata?

"Hindi ko po alam... hindi ko pa po iniisip," sagot nito.

Ngunit hindi naman itinanggi ni Lexi na hindi mahirap magustuhan ang katulad ni Jhake.

"Opo, mabait siyang tao. So, yun... ako, hindi ako nagsasalita ng tapos.

"Ewan ko, malay po natin ano'ng mangyari sa future.

"Pero sa ngayon po talaga, focus po muna ako sa trabaho ko 'tsaka sa studies ko."