"For now, I'll focus on my modelling po. Kasi, while you're here, why not give it your best shot. 'Tapos afterwards, whatever God wants me to be, kung ano ang destined sa akin ni Lord, I'm gonna enjoy it," says Danica Magpantay about trying out different career aside from modelling.

Photo: Noel Orsal

Simula nang manalo sa Ford Supermodel of the World noong 2011 ang Pinay na si Danica Magpantay, kaliwa't kanan na ang kanyang mga naging modelling assignments.

Sa halos isang taon niyang pagiging modelo ng tanyag na modelling agency, naging bahagi siya ng mga sumusunod na fashion events: Mercedez Benz New York Fashion Week Fall/Winter 2011 for Bensoni Presentation, Bibhu Mohaptra, Nanette Lapore, Odd Molly, Organic by John Patrick and Tim Hamilton.

Sa local scene, naging tampok na rin si Danica sa Philippine Fashion Week Spring/Summer 2012 noong Oktubre 2011.

Kinuha siya bilang modelo para sa mga designer na sina Albert Andrada, Michael Cinco, at Cesar Gaupo.

Naging modelo rin siya para sa mga local clothing brands na Oxygen, Penshoppe, Freego, at SM Ladies Fashion.

Nandito ngayon si Danica sa bansa dahil hinihintay pa niya ang kanyang 01 visa or working visa para sa U.S.

Habang hinihintay ito, abala si Danica sa iba't ibang commitments, kasama na ang kanyang pagiging Globe Tattoo @ Home Brand Ambassador.

Sa press conference na inihanda ng telecommunication company para sa kanilang bagong endorser, sinabi ng 19-year-old supermodel na hanggang ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala.

"I'm really thankful na God made this happen," sabi ni Danica nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang media noong Miyerkules, Pebrero 8, sa Mario's restaurant sa Tomas Morato, Quezon City.

Hindi naman daw kasi talaga niya pinapangarap noon ang maging seryoso sa pagmomodelo.

"If you'll ask me to do modelling talaga, hindi talaga. Alam mo 'yong try-try lang, petiks lang na aral-model, chill ka lang," sabi ni Danica.

Pero pagkatapos niyang manalo sa Ford Supermodel of the Philippines 2010, siya ang naging kinatawan ng bansa sa Ford Supermodel of the World competition.

Bagamat gusto niyang manalo, hindi naman daw umasa si Danica na makakamit niya ang titulo sa international modelling competition.

Sa halip, pinanalangin daw niya, "'Lord, kapag nanalo ako... gusto ko talagang manalo. Pero kung ayaw mo, ipakita mo sa akin 'yong gusto mong mangyari.'

"Kasi, it could have been anyone but He made me win so super overwhelming ang feeling."