Dion Ignacio on his showbiz career: "Mabagal. Mabagal talaga. Kapag may trabaho, go lang... At least, ayoko rin naman na magmadali, magbida, sabay hindi pala nag-rate, damay ako do'n. Okay na ako na basta sunud-sunod may trabaho. Kahit na cast lang sa ngayon. Kasi, wala pa naman, di ba?"

Photo: Noel Orsal

Hindi halos nabakante si Dion Ignacio sa paggawa ng teleserye dahil pagkatapos ng Amaya, may kasunod na agad siyang proyekto sa GMA-7.

Kasama siya sa cast ng bagong afternoon soap na The Good Daughter, na pinagbibidahan nina Kylie Padilla at Rocco Nacino.

Ginagampanan dito ni Dion ang mabait at mayamang boyfriend ni LJ Reyes.

Bakas sa mga ngiti ni Dion ang kasiyahan nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Ayon sa StarStruck alumnus, "Good ako dito. Nakaka-isang taping pa lang ako kaya hindi ko pa alam ang mga mangyayari. 

"Pero excited ako sa magiging character ko, at sa ngayon, yun pa lang ang masasabi ko—boyfriend pa lang niya ako [LJ].

"Rich ako dito. E, hindi naman ako rich. Kaya aaralin ko pa ang character."

CHALLENGE TO PLAY RICH. Itinuturing ba niyang hamon kapag ang ginagampanan niyang karakter ay isang mayamang lalaki?

"Oo... kasi alam mo naman, hindi naman ako yun. 

"Papasukin ko ang character ng mayaman kung papaano kumilos, manamit, magsalita, humarap sa tao, di ba? 

"Kailangan kong aralin yun.

"Minsan nga, nanonood ako ng DVD para malaman ko ang character ko.

"Minsan, parang gusto kong gumimik sa Republiq nang makakita ako ng mga taong mayayaman."

Ang Republiq ay siyang "in place" ngayon para sa mga bata at mayaman na gustong gumimik.