Naging matipid at maingat si Valenzuela Councilor Shalani Soledad-Romulo sa pagsagot sa mga katanungan tungkol sa napabalitang pagtanggal diumano sa kanya sa programa ni Willie Revillame na Wil Time Bigtime. Ayon kay Shalani, ipinagpapasalamat na lang niya na muli siyang binigyan ng TV5 ng pagkakaton upang makapagpasaya ng tao sa pamamagitan ng programang Game 'n Go, ang bagong noontime show ng Kapatid network.

Photo: Noel Orsal

Isang malaking pagtitipon ang idinaos ng TV5 kaninang tanghali, Pebrero 15, sa NBC Tent, The Fort, upang i-launch ang bago nilang mga programa para sa unang bahagi ng taong 2012.

Kabilang dito ang Game 'n Go, ang noontime game show na pinangungunahan ni Edu Manzano.

Layunin ng programa ang magbigay ng saya at papremyo sa mga manonood.

Makakasama ni Edu bilang co-hosts sina Arnel Ignacio, Gelli de Belen, Tuesday Vargas, Pretty Triszha, April "Congrats" Gustillo, at si Valenzuela Councilor Shalani Soledad-Romulo, na naging kontrobersiyal ang pagkakabilang sa naturang programa.

Inaasahan kasi ng marami na babalik pa si Shalani sa pagiging co-host ng programang Wil Time Bigtime.

Pansamantala niya itong nilisan noong Enero upang mapaghandaan ang kasal niya kay Pasig Representative Roman Romulo.

Sa artikulong isinulat ni Roldan Castro sa Remate noong Pebrero 9, isiniwalat dito na nag-iiyak daw si Shalani nang kausapin ni Jay Montelibano, business unit head ng Wil Time Bigtime, tungkol sa pagkakatanggal niya sa naturang programa ni Willie Revillame.

Ayon sa artikulo, ang ilan daw sa mga dahilan ng pagkakatanggal kay Shalani ay "Hindi na nila mapakikilig ang mga fans at hindi na siya mabibiro dahil may asawa na siya."

Ang tinutukoy ay ang ginagawang panunukso noon kina Willie at Shalani.

Bukod pa rito, isa rin daw sa mga dahilan ang pinaplanong pagtakbo muli ni Shalani sa pulitika sa taong 2013.

Pag nagkataon, kakailanganin niyang mag-leave sa trabaho sa telebisyon upang umayon sa patakaran ng Commission on Elections (COMELEC)

Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang miyembro ng media kay Shalani sa press launch, sinabi niyang masaya siya sa pagkakapili sa kanya ng Kapatid network upang maging bahagi ng bagong noontime show nito.

Aniya, "I think every show is an opportunity naman to be able to work, to be able to showcase what you can contribute and what you can also give to the viewers.

"So, kung paano nila sana winelcome iyong Wil Time Bigtime, sana i-welcome din nila iyong Game 'n Go.

"The show will start on March, so excited naman tayo to start the show and work with Arnell, whom I've worked with for sometime sa Wil Time and, of course, we will be working with Edu, Gelli, with Tuesday... so excited din tayo."