Alice Dixson on the possibility of adopting a baby: "Maybe, darating din iyon, but not right now. Alam mo, nagpahula ako the other day, sabi ng manghuhula ay may darating sa aking grasya—baby girl ang sabi niya at aampunin ko raw 'yon. This year 'yon, so tingnan natin before the end of the year."

Photo: Noel Orsal

Posibleng mag-ampon ng isang baby girl si Alice Dixson ngayong taon.

Ito ang inihayag ng aktres sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Miyerkules, Pebrero 15, sa launching ng mga bagong shows ng TV5 na ginanap sa NBC Tent sa Fort Bonifacio Global City, Taguig City.

Nang usisain ng PEP kung bakit wala pa silang anak ng mister niyang si Ronnie Miranda, nakangiti pero kiming sumagot ang aktres.

Halatang ayaw niyang pag-usapan ang hindi pagkakaroon ng baby, kahit almost 13 years na silang kasal.

"Wala, hindi kami nag-baby," paiwas na sabi ni Alice.

May plano ba silang magka-baby?

"Ahhh... we're... hindi ko ma-disclose.

"Ayaw ko nang pag-usapan, huwag na nating pag-usapan," nakangiting iwas ng aktres.

Pero inamin ni Alice na posible silang mag-ampon ng bata ngayong taon.

"Maybe darating din 'yon, but not right now.

"Alam mo, nagpahula ako the other day, sabi ng manghuhula ay may darating sa aking grasya—baby girl ang sabi niya at aampunin ko raw 'yon.

"This year 'yon, so tingnan natin before the end of the year."

Sabi ng aktres, "60 percent" daw ng mga hula sa kanya ay nagkakatotoo.

Samantala, pinabulaanan ni Alice na on the rocks ang marriage niya o hiwalay na sila ng kanyang mister.

"Hindi totoo 'yon. In fact, uuwi ang husband ko dito next month... dadalaw siya," sabi niya.