Itinanggi ng It's Showtime host na si Kim Atienza na muli niyang papasukin ang mundo ng pulitika.
Matatandaang naging three-term councilor sa Manila si Kuya Kim bago siya naging TV host at weatherman.
Nagsimula ang haka-haka na muling sasabak sa pulitika si Kuya Kim dahil sa mga naglalakihang tarpaulin nila ni dating Pangulong Joseph Estrada na nakapaskil sa maraming lugar sa Maynila.
Ayon kay Kim, nagulat talaga siya at medyo sumama ang loob niya sa kung sinumang may pakana sa pagkakabit ng mga tarpaulin na ito.
Diin niya, "Wala akong kinalaman sa ganun.
"Nakakagulat kasi, ang dating kasi, parang lalabas na tatakbo akong ka-tandem ni Erap.
"I love Erap, I will help Erap to the best of my capabilities. Ikakampanya ko si Erap.
"Pero ang pinakagusto kong gawin for Erap is to help him for his campaign, but not for me to run."
Planong tumakbo ni Erap bilang mayor sa susunod na eleksiyon. Pero si Kuya Kim daw ay wala nang planong tumakbo.
Aniya, "Wala na akong balak tumakbo sa kahit anong posisyon sa gobyerno.
"I'm at peace. I am happy sa telebisyon.
"I'm earning much more now than when I was in politics—and nobody dislikes me."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kuya Kim sa studio ng It's Showtime kahapon, February 17.
ERAP FOR MANILA MAYOR. Kinumpirma ni Kuya Kim sa PEP na wala nang urungan ang pagtakbong alkalde sa Maynila ni Erap.
Pero wala pang ideya si Kuya Kim kung sino ang makaka-tandem ng dating pangulo, senador, at mayor ng San Juan.




0

