Louise delos Reyes on entering into a relationship with Enzo Pineda: "Kasi ano, e, ang ikinakatakot namin 'yong commitment sa isa't isa. Sobrang nag-e-enjoy lang kami sa company ng isa't isa, na nandiyan ka para sa akin and nandito rin ako if you need me. 'Tapos mas nagpo-focus kami ngayon sa career."

Photo: Noel Orsal

Masayang-masaya si Louise delos Reyes sa pagkakaroon ng international screening ng ginawa niyang pelikula noong isang taon, ang The Road.

Ipalalabas ang nasabing supense-horror movie ng GMA Films sa U.S. at Canada.

Ang gala premiere nila ay gaganapin sa May 9 sa L.A. Live Cinema sa Los Angles, California. Ang regular showing naman nito ay sa May 11.

Bukod dito ay magiging kalahok din sa Brussels International Film Festival ang The Road na idinirek ni Yam Laranas.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press si Louise kaninang tanghali, February 22, sa presscon para sa international screening ng The Road.

Ginanap ito sa 17th floor Executive Lounge ng GMA Network, sa Timog Avenue, Quezon City.

Sabi ng young actress, "I'm happy na itong The Road, napansin din nila internationally.

"'Yong lalaban siya sa Brussels Film Festival, ngayon ko lang din nalaman."


HER VALENTINE. Samantala, hindi nakasama ni Louise ang rumored boyfriend niyang si Enzo Pineda noong Valentine's Day.

Pumunta kasi ang young actor sa Switzerland, kasama nina Sarah Lahbati at Derrick Monasterio, para sa isang concert doon.

Gayunman, bumawi naman daw si Enzo nang makabalik ito ng bansa.

Kuwento ni Louise sa PEP, "Sinurprise niya po ako habang nagre-rehearse ako.

"Hindi ko kasi pinaalam sa kanya na mayro'n akong Party Pilipinas para ma-surprise naman siya.

"'Tapos, alam pala niya 'yong oras kung kailan ako magre-rehearse.

"Habang nagre-rehearse ako, kaya pala nagsisigawan 'yong mga tao, kasi mayro'n siyang dalang mga bulaklak."

Bukod pa sa surpresang bulaklak ay may mga pasalubong din si Enzo sa kanya galing Switzerland.