"Gusto kong bigyan ng priority yung mga fans ngayon sa pagbabalik ko. Sa mga fans na nandiyan pa rin, gusto kong matupad yung pangako ko sa kanila talaga ngayon. Kung anuman 'yon, sila lang ang nakakaalam. Pagka natupad na 'yon, saka malalaman ng mga tao," says Superstar Nora Aunor, who arrived earlier today from a short stay in Los Angeles.

Photo: William R. Reyes

"Welcome back, Ate Guy!"

Ito ang nagkakaisang pagbati ng fans ng Superstar na si Nora Aunor kanina, February 24, bago mag-alas-otso ng umaga, sa Terminal 2 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

"Salamat! Na-miss ko kayong lahat!" magiliw na bati naman ng singer-actress sa mga sumalubong na tagahanga, na ang iba'y nagkaroon ng pagkakataong mayakap at mahalikan sa pisngi ang superstar. 

Dumating na nga si Nora kanina, kasama ang actor-rap artist na si John Rendez, mula sa Los Angeles, California.  

Lulan sila ng Philippine Airlines (PAL) Flight PR103, na ang scheduled arrival na 5:55 a.m. ay na-delay, kaya 6:50 a.m. na ito nakababa sa paliparan.

Nakalabas sa Arrival area ng NAIA sina Nora at John bandang 7:45 a.m.  

Kasamang nag-assist sa kanilang pagdating sina Boy Palma, Nora's personal manager, at Ms. Jo-Ann Banaga, unit head TV5.

Paglabas na paglabas ay pinalibutan na agad si Ate Guy ng mga taga-media para sa mabilisang interview.

Bukod sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sumalubong din kay Nora ang mga kinatawan ng TV5 at GMA-7. 

Masayang-masaya si Ate Guy, na halatang nakapagpahinga nang lubos mula sa isang buwan at kalahating pamamalagi sa Amerika.

BACK TO U.S. Sa interview, agad namang naitanong kay Nora ang napaulat na muli niyang pagbabalik sa Amerika matapos ang anim na buwan para sa pagpapatuloy ng kanyang medical treatment ugnay sa naapektuhang singing voice.

Matatandaang umalis ng bansa si Nora noong January 8 para sa nai-schedule na operasyon ng kanyang lalamunan sa Boston, Massachusetts.

Pero hindi muna naisagawa ang operasyon. Bagkus ay mayroong mga procedures na kailangang gawin, kabilang ang mga unang therapy sessions.  

At babalik sa Amerika si Nora sa pagpapatuloy ng treatment o posibleng pag-undergo ng surgery. 

"Wala pa," pagtukoy mismo ni Nora sa hindi natuloy na operasyon ng kanyang lalamunan.