Kris Bernal on Jolo Revilla: "Napagdesisyunan nga namin na mas okay kung maging magkaibigan na lang kami. Yung panliligaw, hindi ko kasi alam kung handa akong ma-in love ulit. Kasi alam n'yo naman, galing lang ako sa isang relationship."

Photo: Noel Orsal

Muli na namang magbibida si Kris Bernal sa pinakabagong afternoon series ng GMA-7, ang Hiram na Puso, na magsisimula nang mapanood sa Lunes, March 5.

Malaki ang pasasalamat ni Kris sa GMA-7 dahil sa patuloy na tiwalang ipinagkakaloob sa kanya, lalo pa nga't siya talaga ang bida sa mga proyektong ginagawa niya.

Sabi ni Kris, "Oo nga po. Kahit ako nga po nabibigla, e. 

"After Time of My Life, after na magkaka-show ako, iniisip ko, naku, ano kaya ang susunod sa akin? Pero binibigyan nila talaga ako.

"Unti-unti talaga kapag nagkaka-show ka, natutupad ang mga dreams mo for your family.

"Kasi ako, I work for my family. Sila talaga ang inspirasyon ko kaya ako nagwu-work ngayon. 

"Ang sarap ng feeling na ngayon, may bagong show.

"Umaasa ulit sa akin na pagbutihan ko at super thankful ako sa GMA network."

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Kris sa grand launch ng Hiram Na Puso kagabi, February 28, sa Studio 7 ng GMA Network.

TEAM-UP WITH MARK. Dito sa Hiram Na Puso ay sila muli ni Mark Herras ang magkatambal. Ano sa palagay ni Kris ang meron sa kanilang dalawa na itinuloy ng network ang team-up nila pagkatapos ng Time of My Life?

Sagot ng young actress, "Siguro sa amin ni Mark Herras, ang ganda rin kasi ng working relationship namin. 

"Nakakuha rin kami ng magagandang feedback sa Time of My Life sa loveteam namin. Nabigyan siguro ng chance.

"Sa Time of My Life naman kasi, ang nakatuluyan ko si Rocco [Nacino]. 

"So, ngayon, 'eto, nakatutok talaga ako sa kanya—kay Mark."