Azkals players Angel Guirado (left) and Lexton Moy (right) face sex raps after former Philippine Olympic Committee president Cristy Ramos filed gender insensitive complaints against them. Cristy is the daughter of former President Fidel V. Ramos.

Photo: Monching Jaramillo

Nasasangkot na naman sa panibagong kontrobersiya ang mga miyembro ng Philippine Azkals.

Inirereklamo ng anak ng dating Pangulong Fidel V. Ramos na si Cristina "Cristy" Ramos, isang sports official, na binastos daw siya ng dalawang miyembro ng Philippine football team.

Bukod sa pagiging anak ng dating pangulo, si Cristy Ramos ay dati ring presidente ng Philippine Olympic Committee. Nagsisilbi siya ngayon bilang match commissioner ng Federation Internationale de Football Association (FIFA).

Sa ulat ng 24 Oras Weekend na napanood sa GMA-7 kagabi, Marso 3, sumulat na si Ramos kay Lim Kia Tong, chairman ng Asian Football Confederation (AFC) Disciplinary Committee, para ipaalam ang umano'y sexual harassment o pambabastos na ginawa sa kanya ng Azkals players na sina Lexton Moy at Angel Guirado.


THE INCIDENT. Ayon kay Ramos, verbal na pambabastos daw ang inabot niya kay Moy.

"... Philippine player Lexton Moy (No. 25) stood by my right side and said in a loud voice 'must be a B cup,' to which the players laughed loudly," sabi ni Ramos sa kanyang complaint letter at incident report.

Ang tinutukoy raw nito ay ang size ng kanyang bra dahil siya lang naman daw ang babaeng naroon ng oras na iyon.

Bukod pa rito may hindi kanais-nais na aksyon naman daw na ginawa si Guirado.

"... when I checked Philippine player Angel Guirado [No. 12] he stood in front of me purposely just wearing his briefs and made no attempts to wear shorts or cover his underwear."

Nangyari ang umano'y pambabastos nang magsagawa siya ng mandatory team check sa Azkals noong Pebrero 28 sa Discovery Suites sa Pasig, isang araw bago ang friendly match ng team kontra sa Malaysia.

Si Ramos ang tumayong match commissioner noong friendly match at naaayon sa regulations ng AFC ang isinagawa niyang team check sa dalawang koponan.


PAINFUL EXPERIENCE. Sa telephone interview ng GMA News kay Ramos, inamin nito na nasaktan siya sa ginawa ng Azkals lalo na't ito pa naman ang team ng Pilipinas.

Ayon kay Ramos, "It's really painful for me because it had to happen with my team, you know, the team of my country. It did not happen to me anywhere else.

"And of course I expect some disciplinary actions and some sanctions whatever they may be."

Wala raw noon ang team manager ng Azkals na si Dan Palami at ang head coach na si Michael Weiss.

Si James Younghusband na tumatayong team captain ang naroon. Pero wala naman daw itong ginawa para kontrolin ang teammates.

Sabi pa ni Ramos, "This is unacceptable behavior as far as I'm concerned and again as one of the duties of a Match Commissioner, I have to report this incident because this is sexual harassment."


AZKALS MANAGER APOLOGIZES. Sa official statement naman ni Palami, tiniyak niyang hindi kukunsintihin ng team management ang ganitong aksiyon. Kakausapin niya raw ang team tungkol dito.