[x]

 

Isang two-day celebration ang binabalak ni Aljur Abrenica sa Marso 24 at 25 upang ipagdiwang ang kanyang ika-21 kaarawan at ika-limang anibersaryo sa showbiz. Isang engrandeng party ang ihahanda ng kanyang pamilya sa Batangas kung saan imbitado ang kanyang mga kaibigan sa showbiz at mga fans. Imbitado rin siyempre ang tatlo sa pinakamalapit na babae sa kanya sa showbiz na sina Rhian Ramos, Kylie Padilla, at Kris Bernal.

Photo: Noel Orsal

Masaya si Aljur Abrenica sa muling pagtatambal nila ng aktres na si Rhian Ramos sa pelikulang My Kontrabida Girl.

Ito ang inilahad niya nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at ilang miyembro ng media kanina, Marso 5, sa elimination round ng Century Tuna Superbods Contest 2012 na ginanap sa Seventh High, The Fort.

Halos dalawang taon na rin ang nakalipas mula nang magsama sila sa seryeng Ilumina at ayon kay Aljur, halos walang ipinagbago ang pagsasama nila ni Rhian.

Ni hindi rin niya itinanggi ang sinabi ni GMA News reporter Nelson Canlas na nahuli silang naglalambingan ng aktres sa set ng kanilang pelikula.

"Opo naman. Iyong nakita n'yo sa amin ni Rhian, e, normal sa 'min 'yon.

"Ever since naman, Ilumina pa lang, gano'n na talaga kami. Talagang makulit lang talaga si Rhian, e.

"Saka 'pag natiyempo talaga, ako rin makulit din ako, e, so kulitan 'yong nangyayari, lambingan, kantiyawan," paliwanag ng Kapuso actor.

Ayon kay Aljur, kahit matagal silang hindi nagsama ni Rhian sa isang proyekto ay hindi naman tuluyang naputol ang kanilang komunikasyon.

"Kahit hindi kami nagkikita ni Rhian, kahit hindi kami nagkasama ng matagal, nagkikita pa rin naman kami sa Party Pilipinas at sa iba't ibang events.

"At natutuwa ako kasi kung paano 'yong relationship namin bilang isang magkaibigan, e, hindi nawala.

"Iyong tiwala namin sa isa't isa, nandoon pa rin."

NO ROMANTIC RELATIONSHIP. Bagamat magkapareha sila harap ng kamera, wala namang nabuong romantikong pagtitinginan sa kanila.

Sa katunayan ay nali-link sila sa iba't ibang personalidad.

Hindi kaya sila pinagseselosan ng kani-kanilang love interests sa tunay na buhay?

"Hindi naman, saka wala naman [love interest] in real life!" natatawang sagot ni Aljur.