"Sa akin kasi, hintayin muna nating matapos yung trabaho. Kasi ang chemistry naman, napapag-aralan 'yan, e. Kaya nga may director, may assistant director, may storyline, may script, may background ng mga characters. Kumbaga, i-process muna natin bago natin husgahan na walang chemistry," says Alan Paule about the disqualification of MNL 143 as one of the entries in Cinemalaya this year due to his and Joy Viado's "casting."

Photo: Noel Orsal

Unang nakilala ang aktor na si Alan Paule nang ilunsad siya into full stardom sa kontrobersiyal na pelikulang Macho Dancer (1988), na idinirek ng yumaong National Artist na si Lino Brocka.

Sa unang pelikula niyang ito, na-nominate agad si Alan bilang Best Actor sa FAMAS.

Mula noon ay nakilala na siya bilang isa sa "underrated actors" sa local showbiz.

Sumunod na mga nominasyong nakamit ni Alan ay para sa Gawad Urian Award—Best Supporting Actor para Ang Lalake Sa Buhay Ni Selya (1997) directed by Carlitos Sigiuon-Reyna, at Best Actor para sa Sa Paraiso Ni Efren (1999) ni Direk Maryo J. de los Reyes.

Dalawang Best Supporting Actor nominations din ang nakuha ni Alan para sa Kaleldo (2006) ni Brillante Mendoza.

Sa 24 years ni Alan sa show business, marami na ring mga teleserye ang tinampukan niya.

Most recently, napanood siya sa mga teleserye ng ABS-CBN, 'tulad ng Guns and Roses, Ikaw Ay Pag-Ibig, Nasaan Ka Elisa, at kasalukuyang napapanood na Mundo Man Ay Magunaw.

DISQUALIFIED. Bago matapos ang 2011 ay nakatanggap si Alan ng isang offer pampelikula; hindi supporting role 'tulad ng kadalasang ginagampanan niya through the years kundi isang lead role.

Ito ay ang MNL 143, isang nakapasang full-length film entry sa New Breed category ng 8th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival.

Ang pelikula ay isinulat at ididirek ng baguhang filmmaker na si Emerson Reyes.

Sa Cinemalaya 2011 ay napansin nang husto si Emerson sa Short Film category. Nanalo ng tatlong awards ang kanyang short film na Walang Katapusang Kuwarto—Best Short Film, Best Screenplay, at Audience Choice Award.

Ayon kay Emerson, si Alan ang kanyang nasa isip nang isinulat niya ang script ng MNL 143 noon pa, at sinuwerte ngang makapasa sa Cinemalaya ngayong taon.

Pero ilang buwan pagkatapos ianunsiyo ang official entries, may nangyaring "gulo" sa pagitan ng Cinemalaya organizers at sa grupo ni Emerson.

Disqualified ang pelikula sa Cinemalaya at ang sinasabing isa sa mga dahilan ay "wrong casting."

Si Alan ang lead actor at ang comedienne namang si Joy Viado ang kanyang leading lady.