A few weeks after her return to the country, Nora Aunor (right) made sure to fulfill her promise to appear on Gladys Reyes's (left) show, Moments. The Superstar was originally scheduled to guest last January but she had to cancel because of her throat problem.

Photo: Courtesy of Gladys Reyes

Natuloy na rin ang pagge-guest ng Superstar na si Nora Aunor sa programa ni Gladys Reyes sa Net 25, ang Moments. Ginanap ang taping nila kahapon, March 8.

Matatandaang nagkaroon ng alingasngas ang hindi pagkakatuloy ng naka-schedule na sanang paglabas ni Nora sa programa ni Gladys noong Enero 3.

Hindi kasi nakasipot ang Superstar. Ang sinasabing matinding dahilan sa hindi niya pagdating ay ang kanyang health problem. 

Ayon sa kanyang personal manager na si Boy Palma, noong araw raw kasi na yun ay lumala ang hika ng aktres. Inatake rin daw ito ng matinding ubo kaya nagdesisyon na lang daw si Nora na huwag munang ituloy ang kanyang paglabas sa Moments.

Pero bago pa man umalis ang aktres papuntang Amerika noong January 8 ay nangako itong babawi  sa kanyang pagbabalik. Nag-text siya din siya kay Gladys at humingi ng paumanhin. 

At sa kanyang pagbabalik mula Amerika noong February 24 ay kaagad inasikaso ni Nora ang guest appearance niya sa programa ni Gladys, na nangyari nga kahapon sa studio ng Net 25.

Pagpasok pa lang ng Superstar sa dressing room ng istasyon ay sinalubong na agad siya ni Gladys ng matinding yakap at halik.

Mangilid-ngilid ang luha ni Gladys habang kayakap ang isa sa pinakaaasam-asam niyang panauhin sa kanyang programa.

Sabi ni Gladys, habang yakap-yakap pa rin si Nora, "This time, yung pag-iyak ko ay iyak ng kaligayahan. Finally narito na siya [Nora].

"Hindi ko po alam kung ano ang nararamdaman ko ngayon dahil ang matagal ko na pong pinangarap ay 'eto na, totoo na.

Ayon naman kay Nora, "Gladys, sorry talaga sa hindi ko pagkakatuloy noon.

"Humihingi ako sa 'yo ng dispensa at sa buong staff. Sorry po talaga."

Sagot naman ni Gladys, "Naku po, wala po yun.

"Ngayong nandito ka na po, wala po akong masabi kundi maraming salamat po sa pagpapaunlak po ninyo sa amin."

Pagkatapos ng yakapan, picture-taking, paliwanagan, at konting retouch sa makeup ng Superstar, mula sa dressing room ay dumiretso na agad sila sa studio.