Rochelle Pangilinan on getting the leading lady role opposite Rocco Nacino in Lam-ang: "Masaya ako kasi parang... wow! Ang ganda-ganda ni Isabelle [Daza], di ba? 'Tapos ako ang naging kapalit niya."

Photo: Noel Orsal

"Yes!" nakangiting bungad ni Rochelle nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa backstage ng Party Pilipinas sa GMA-7 noong Linggo, March 11.

Siya kasi ang napili na maging leading lady ni Rocco Nacino sa pelikulang Lam-Ang, na base sa isang epic Ilocano poem.

"Nagpapasalamat po talaga ako. Ay naku, sobrang ang saya ko no'ng nalaman ko.

"Kasi, iba naman naman 'to. Bago na naman 'to.

"At wala talaga akong masabi kundi 'thank you Lord!'" bulalas ng dating miyembro ng SexBomb Girls.

Nag-audition pa ba siya o basta kinuha na lang siya para sa naturang role?

"Actually, pinapunta ako doon ng manager ko [Perry Lansigan]. Para na ring audition.

"Akala ko kasi, 'yong direktor, titingnan lang ako. 'Yon pala, titingnan niya ako sa camera.

"'Tapos ayun, arnis-arnis ako do'n. Mabuti na lang may background ako dati sa arnis sa Daisy Siete

"So, nakatulong siya nang bonggang-bongga!" natawang kuwento pa niya.

ISABELLE DAZA. Hindi pala alam ni Rochelle na si Isabelle Daza ang first choice sana para maging leading lady ni Rocco sa pagsasapelikula ng Lam-Ang.

"Talaga? Well, at least, sa akin napunta. Thank you, Lord!

"Di ba, wala akong nasabi?" tawa niya ulit.

Dagdag ni Rochelle, "At masaya ako kasi parang... Wow! Ang ganda-ganda ni Isabelle, di ba? 'Tapos ako ang naging kapalit niya."