"Kung sinabi niyang 'sige' nung sinabihan ko siyang magsuntukan kami sa labas, palagay mo mananahimik lang ako? Baka dun pa lang sinabunutan ko na siya! Baka nalaglag na yung pantalon niya na hinahatak-hatak lang niya pataas!" says Annabelle Rama about Nadia Montenegro's claim that she challenged the latter to fistfight.

Photo: Noel Orsal

Magkaiba ng bersiyon sina Annabelle Rama at Nadia Montenegro sa nangyaring gulo nang magkaharap sila sa San Juan Prosecutor's Office kaninang umaga, March 12.

Ito ay para sa clarificatory hearing sa kasong theft na isinampa ni Annabelle laban kay Nadia.

NADIA'S VERSION. Nakatanggap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng text message mula kay Nadia kaninang umaga na "nagwala" na naman daw si Annabelle.

Kaagad na tinawagan ng PEP si Nadia para kunin ang buong pangyayari.

Ayon kay Nadia, "Natataranta na naman siya [Annabelle] sa mga sagot niya nang tinanong ito ng fiscal.

"Sinigawan na naman ako na sinungaling daw ako.

"Nakita niya ang lawyer [Atty. Maggie Abraham] ko na umiiling-iling, sinita niya.

"'Bakit ka umiiling diyan, ha!" tili raw ni Annabelle kay Atty. Abraham.

Patuloy ng dating aktres, "Sinagot ko siya: 'Bawal bang gumalaw? Ikaw nga nagagawa mo ang gusto mong gawin. Nakakapag-iskandalo ka kailan mo gusto, kami hindi puwede umiling?'"

Sa gitna raw ng naturang hearing, sa harap ni Fiscal Ma. Cristina Juanson, sinigawan daw siya ni Annabelle ng "sinungaling!"

"Di ba, clarificatory hearing yun? Paano maaayos yun kung dalawang questions pa lang, e, nagwawala na siya?" sabi ni Nadia.

Ayon pa sa dating aktres, hinamon daw siya ni Annabelle na magsuntukan sila sa labas na kaagad naman daw niyang tinanggap.           

Pero pinalabas na raw silang dalawa ng fiscal at binilinan ang security na paghiwalayin silang dalawa.        

Tiniyak naman daw ni Nadia sa fiscal na hindi niya papatulan si Annabelle kahit hinahamon na siya ng away nito.