Almost a year after filing a maltreatment complaint against actress Maricel Soriano, May Cachuela and Camille Acojedo have agreed to end their rift and reconcile with their former employer.

Photo: File photo

Nagkaayos na ang aktres na si Maricel Soriano at ang dalawa nitong dating mga kasambahay.

Matatandaang inireklamo nina May Cachuela at Camille Acojedo si Maricel ng pangmamaltrato noong nakaraang taon.

Unang dumulog sina Cachuela at Acojedo sa programang Isumbong Mo Kay Tulfo ni Mon Tulfo para ireklamo ang nangyari sa tahanan ng aktres sa Rizal Tower ng Rockwell sa Makati City noong gabi ng June 29, 2011.

(CLICK HERE to read related story.)

Nagsumbong din ang dalawang kasambahay sa Barangay Hall ng Poblacion sa Makati City.

Nagkaroon ng mga pagdinig o clarificatory hearing sa naturang Barangay Hall para sa physical-abuse case na inihain nina Cachuela at Acojedo ngunit hindi sumipot ang Diamond Star.

At pagkatapos ng halos isang taon ay nagkaroon na ng kasunduan ang magkabilang kampo.

Sa magkasamang salaysay na inilabas ng magkabilang kampo, sa pamamagitan ng opisina nina Vic del Rosario, Jr. at Shirley Kuan, ay "minabuti na nila na magkasundo at tapusin na ang hidwaan na namagitan sa kanila."

Ito ay matapos mapagtanto ng magkabilang partido na "ang naganap na insidente ay isa lamang hindi pagkakaintindihan ng mga partido dahil sa bugso ng kani-kanilang damdamin."

JOINT STATEMENT. Narito ang kabuuang magkasamang salaysay ng kampo ni Maricel Soriano at nina Cachuela at Acojedo:

"Noong ika-29 ng Hunyo 2011 ay nagkaroon ng isang hidwaan sa pagitan nina Gng. Soriano at Bb. Acojedo at Bb. Cachuela.  Dahil dito ang magkabilang partido ay nagkasamaan ng loob at ito ay naging bunga para sa pagrereklamo nila Bb. Acojedo at Bb. Cachuela kay Gng. Soriano sa piskalya ng Lungsod ng Makati. 

"Dahil sa tulong nina Mon Tulfo at Congresswoman Bagasina ng ALE Partylist, ang mga partido ay nabigyan ang bawa't isa ng pagkakataon na ipaliwanag ang kanilang mga saloobin sa pangyayari sa isa't isa. Dito natanto ng lahat na ang naganap na insidente ay isa lamang hindi pagkakaintindihan ng mga partido dahil sa bugso ng kani-kanilang damdamin. Matapos ang mapayapa at maayos na pag-uusap ng mga partido, minabuti na nila na magkasundo at tapusin na ang hidwaan na namagitan sa kanila. 

"Pinili ng mga partido na makipag-kasundo sa isa't isa at kalimutan na lamang ang kung anumang nangyari at bigyan halaga ang matiwasay na muling pagkakasundo nila. 

"Nagpapasalamat sina Gng. Soriano, Bb. Acojedo at Bb. Cachuela sa tulong nina Mon Tulfo at Congresswoman Bagasina sa pagkakataong ibinigay sa kanila para matapos na ang kanilang hidwaan at magkabati na muli."