Governor ER Ejercito on his P100,000 sponsorhip donation to the Entertainment Press Society (EnPress) last year: "Hindi ko naman pinapabalik, e, donation ko yun. Lahat naman halos ng award-giving bodies, e, kapag humihingi ng sponsorship sa akin, binibigyan ko naman. Galing sa puso yun, hindi ko naman kailangan ipabalik pa."

Photo: Noel Orsal

Lumikha ng maraming kontrobersiya ang Manila Kingpin: The Asiong Salonga Story bago pa man ang nakatakdang pagpapalabas ng pelikulang ito ni Governor ER Ejercito noong Metro Manila Film Festival (MMFF) 2011.

Nagkaroon kasi ng gusot sa pagitan ng produksiyon at sa direktor ng pelikula na si Tikoy Aguiluz.

Noong Gabi ng Parangal ng MMFF ay nagkaroon din ng kaunting tensiyon nang tanghaling Best Actor si Dingdong Dantes para sa pagganap nito sa Segunda Mano.

Umalma ang kampo ni Governor ER at inakusahan nila na naimpluwensiyahan ng naunang pahayag ni Kris Aquino ang resulta ng Best Actor category.

Si Kris, co-star ni Dingdong sa Segunda Mano, ay nagsabing nais niyang manalo ang kapareha dahil sa ipinakita nitong husay sa pelikula nila.

Umaasa rin ang mga tagasuporta ni Governor ER na ito ang magwawagi dahil sa paniniwala nilang napakagaling ng actor-politician sa pagganap nito bilang Asiong Salonga.

THE CONTROVERSY. Ngayong taon ay nagsimula nang mimigay ng mga parangal ang iba't ibang award-giving bodies sa mga katangi-tanging pelikula at pagganap para sa mga pelikulang nagawa noong nakaraang taon.

Nauna nang nagbigay ng parangal ang Star Awards for Movies ng Philippine Movie Press Club (PMPC) na ginanap noong March 15 sa Meralco Theater.

Parehong nominado rito sina Governor ER at Dingdong, pero ang nagwagi ay ang actor-politician ka-tie si Aga Muhlach para sa In The Name of Love.

Sa March 24, Sabado, ay gaganapin naman ang Golden Screen Awards ng Entertainment Press Society (EnPress).

Dito ay nominado si Dingdong sa kategoryang Best Actor, pero nabigong makakuha ng nominasyon si Governor ER.

Dahil dito ay umalma ang kampo ng Laguna governor, partikular na ang publicist nito na si Jobert Sucaldito.

Sa pamamagitan ng personal Facebook account niya at maging sa columns niya sa tabloid at programa sa radyo, maaanghang na salita ang binitawan ni Jobert laban sa EnPress dahil sa hindi pagkakasama sa listahan ng nominado si Governor ER.

Rason ng publicist, ang tangi lamang daw hangad ng kanilang kampo ay ang ma-recognize ang acting ni Governor ER sa pamamagitan ng nominasyon pero hindi nga ito nakasama sa kanilang talaan.